Street Food

Ma. Cleofe Bernardino

March 13, 2024

Tunog ng kumakalam na sikmura ang naririnig ko kanina pa. Nakakaramdam na ako ng matinding gutom sapagkat wala pa ako nakakain kanina pang umaga. Habang nagmamasid ng mga pagkain na tinitinda ng mga tindero, naghahanap ako ng pagkain na mumurahin at pwede na rin makain.

Amoy ng pritong manok ang nalanghap ko kaya napatigil ako sa paglalakad at hanap sa direksyon ng pinagmumulan. Nakipagsiksikan ako sa mataong daan. Hanggang sa napatigil ako sa paglakad, napansin kong may batang nagluluto ng pira-pirasong manok at kinukuha ito, lagay ito sa manila paper.

Mga pirasong manok na lumulutang sa malaking kawali puno ng mantikang kumukulo. Lumapit ako sa batang babae, sabi ko…

“Magkano iyan?”

“Pag tatlo, bente,” wika ng batang babae na nasa edad 12.

Nakarinig uli ako ng pagtunog ng pagkalam ng sikmura ko. Hindi ko na kaya.

“Sige, pabili ng tatlo ha. Yung hindi na masyado mainit.” Para hindi na ako mapaso pag kinain ko na.

Kinuha niya ang tong sabay kuha ng manok isa-isa. Ipinasok niya ito sa isang plastik labo at binigay sakin. Nilabas ko ang isang piraso ng manok. Grabe. Bawat nguya, konting karne at makapal na breading.

Bakit ganun? Habang sinasaid ko ang manok, naisipan ko tanungin ang batang babae.

“Ate, ilang taon ka na?”

“Twelve po.”

“San nanggaling yung manok na niluluto mo?”

“Sa mama ko po. Kinalka—” biglang naputol ang pagkakasabi niya nang dumating isang matanda.

“Ako na dyan. Doon ka na sa bahay at maglinis,” mataray na utos ng ate.

Pagkaubos ko ng kinain ko, nilabas ko ang wallet ko at inabot ko ang kanyang bayad na singkwenta pesos. Binalik niya sa akin ang isang papel na bente at buong sampung piso.

Pagkaabot ko sa bente, nalaglag ang sampung piso at gumulong ito sa daanan palayo sa akin. Nilakad ko agad. Sayang eh. Gumulong nang saglit at lumapag na sa sementadong daanan. Dinampot ko at napatingin ako sa harapan ko sa malayuan. Sa isang tabi ay may tatlong batang nagkakalkal ng mga pira-pirasuhing manok mula sa malaking punit na trash bag.

Nilalangaw pati.

Hinahagis yung mga may karne sa isang planggana.

Mga kamay na sobrang langis at katiting na manok.

Mga pagpag.

You might want to read…

Hindi pa tayo malaya

Hindi pa tayo malaya

Hindi ko magawang bumati ng “Maligayang Araw ng Kalayaan.” Sa tuwing ika-12 ng Hunyo, muli nating ginugunita ang kasarinlang ipinaglaban at pinagbuwisan ng buhay ng mga bayaning nangarap ng isang malayang Pilipinas. Ngunit habang nababasa ko ang mga balitang tungkol...

Pamusay

Pamusay

Sa pula o sa puti, Iisa lamang ang lahi, Ngunit tila parehas nagtatalo Nakailang kahig para sa iisang tuka Nauuna pang dumilat kaysa sikat ng araw, Ngunit sikmura’y nananatiling hungkag Tila ba’y tayo rin ang nagtatanim ng mga sugat Para sa pinamusay nilang mga butil...

Where do wishes go when candles die

Where do wishes go when candles die

Year after year, when the candles burn bright, they carry the same question.“What would you wish for?”I smile, but my lips stay sealed. The words gather in my chest, pressing softly against my ribs, while the smoke curls upward as if it knows where to go better than I...