Pormal nang binuksan ng College of Arts and Sciences (CAS) ang bagong Communication Laboratory sa pamamagitan ng ribbon-cutting at blessing ceremony, upang magbigay ng bagong pasilidad para sa pagsasanay ng mga estudyante sa komunikasyon at makabagong media sa AEC Building, Agosto 25.
Binigyang-diin ni Acting Vice President for Academics and Research and CAS Dean Dr. Claudia Ayala ang papel ng laboratoryo sa paghahanda ng mga estudyante para sa iba’t ibang oportunidad sa kanilang pag-aaral at propesyonal na karera.
Magsisilbi itong pasilidad para sa mga gawaing nangangailangan ng aktuwal na pagsasanay sa komunikasyon, kabilang ang podcasting at iba pang anyo ng media production.
Dating ginagamit ang pasilidad bilang “Dark Room” para sa mga kursong pinapangasiwaan ng Criminology Department. Matapos mawalay ang Criminology Department noong 2024, muling binigyang-gamit ang pasilidad bilang Communication Laboratory ng CAS.
Patuloy itong pinauunlad sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga kagamitan, kabilang ang podcasting area na nilagyan ng camera at microphone setup.
Nagtatampok din ang control room na nakaharap sa pangunahing production area, na may television display para sa mga gawaing nangangailangan ng audio at visual production.
Ayon kay Dr. Carmina V. Tolentino, na namamahala sa mga laboratoryo ng unibersidad, patuloy na tututukan ang paglipat ng pasilidad tungo sa paggamit ng mas makabagong teknolohiya at kagamitan.
Pinangunahan ni Mr. Jade Oraa ang seremonya, na sinundan ng pagbabasbas at paglilibot ng mga estudyante at faculty sa bagong pasilidad, na nagmamarka sa panibagong hakbang tungo sa mas makabuluhang pagsasanay sa komunikasyon.



