Hindi ko magawang bumati ng “Maligayang Araw ng Kalayaan.”
Sa tuwing ika-12 ng Hunyo, muli nating ginugunita ang kasarinlang ipinaglaban at pinagbuwisan ng buhay ng mga bayaning nangarap ng isang malayang Pilipinas. Ngunit habang nababasa ko ang mga balitang tungkol sa katiwalian, pananakot, at kawalang-katarungan, mabigat bigkasin ang salitang ‘malaya.’
Kung noong panahon nina Rizal, Bonifacio at Aguinaldo, mga dayuhan ang hayagang kumikitil sa kalayaan—sa kasalukuyan, nagbago lamang ang mukha ng ating mga mananakop. Wala na silang banyagang uniporme. Ngayon, sila ay nakaupo sa mga tanggapan, nakapuwesto sa mga institusyon, at kung minsan, nakasuot ng barong.
Nakalulungkot isipin na sa halip na maging sandigan ng mamamayan, nagiging entablado ng ambisyon ang mga sangay ng pamahalaan habang naisasantabi ang mga isyung dapat na pinaggugugulan ng oras at nireresolba. Ang kalayaan ay nawawalan ng saysay kapag ang kapangyarihan ay ginagamit upang manaig, hindi upang maglingkod.
Hindi rin ligtas ang sektor ng edukasyon, na dapat sanang nagsisilbing susi sa pagpapalaya sa mga mamamayan mula sa kahirapan at kamangmangan. Sa mga pabago-bagong patakaran at kurikulum, mahirap tawaging malaya ang isang kabataang pinapangakuan ng magandang kinabukasan ngunit hindi mabigyan ng matatag na pundasyon ngayon.
Higit pa rito, ang kalayaan ay hindi lamang karapatang bumoto o magsalita. Kalayaan din ang kakayahang mabuhay nang may dignidad at hindi araw-araw nakikipagbuno para lamang makaraos. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagkaltas ng buwis na nauuwi naman sa paulit-ulit na paglustay at pagbulsa ng pondo sa mga proyektong ipinatutupad.
Mas nakababahala pa rito ang unti-unting pagkitid ng espasyo para sa malayang pamamahayag. Sa isang demokratikong bansa, hindi dapat ituring na banta ang kritisismo. Gayunman, sa bawat paratang na komunista ang mga kabataang nakikilahok sa mga isyung panlipunan, nawawalan ng saysay ang karapatan nating manindigan para sa adhikaing makabayan.
Ito na marahil ang pinakamalaking kabalintunaan na ating nararanasan. Malaya nga ang Pilipinas ngunit maraming Pilipino ang bihag pa rin ng kahirapan, katiwalian, takot, at sistemang paulit-ulit na pumapabor sa mas makapangyarihan.
Kaya hindi ko magawang bumati ng “Maligayang Araw ng Kalayaan” nang walang pag-aalinlangan—hindi habang marami pa ring nakaupong walang malasakit sa kapakanan nating mga Pilipino. Hindi habang may mga manggagawang patuloy na nagbabanat ng buto ngunit nananatiling salat, mga magsasakang pinagdadamutan ng kinakailangang suporta, at mga pangarap na nakagapos pa rin sa kahirapan.
Bilang mamamayang nakasasaksi sa mga hamon ng ating panahon, hindi ko magawang mawalan ng pag-asa. Sa halip, pinipili kong maniwala na may kapangyarihan ang bawat tinig, bawat paninindigan, at bawat botong may konsensya. Sa mga simpleng ambag na ito, sama-sama nating buwagin ang pagkakabihag at ipaglaban ang ating tunay na kalayaan. #



