Kayong nag-utos ng pagdakip sa Sucat, awitin ninyo ang Lupang Hinirang sa harap ng mga pinadakip ninyo.
Sa salitang lupa, tingnan sa mata ang magsasaka.
May kanin sa hapag ninyo.
May nagtanim niyan.
Sa salitang bayan, tingnan ang manggagawa, ang estudyante, ang mamamahayag.
Pati ang naroon para mag-ulat, dinakip ninyo.
Sa salitang paglaya, lakasan ninyo ang tinig.
Iparinig hanggang sa loob ng mga trak ng pulisya.
At bago bumaba ang bandila, humarap kayo sa bayan.
Sabihin ninyo kung sino ang itinuring niyong kalaban.
Ang nagtanim? Ang nagmartsa? Ang nakasaksi?
Kaninong kalayaan ang ipinagtanggol ng barikada?
Palayain ang mga dinakip. Panagutin ang mga nag-utos.




