Binigyang-diin ni Dr. Joselito D. De los Reyes ang mahalagang papel ng wikang Filipino sa paghubog ng kritikal na pag-iisip at responsableng paggamit ng impormasyon sa panahon ng artificial intelligence (AI), sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ng College of Arts and Sciences (CAS), Agosto 27.
Tampok sa kaniyang talakayan ang ugnayan ng wika, karunungan, at teknolohiya sa ilalim ng temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.”
Sa kaniyang paksang “Wikang Filipino at AI: Wika ng Karunungan at Pagmamangmang,” pinaliwanag ni Dr. De los Reyes ang pangangailangang maging mapanuri sa pagtanggap, pagsusuri, at pagbabahagi ng impormasyong nakikita sa internet.
Sa kaniyang makulay at nakakatawang paglalahad, tinukoy ni Dr. De los Reyes ang isang kapansin-pansing hamon sa kasalukuyang information landscape—mas mabilis umanong paniwalaan ng mga tao ang maiikling caption na naglalaman ng maling impormasyon kaysa sa mga masusing akdang isinulat at sinaliksik ng mga manunulat at akademiko.
Ipinakita nito ang kahalagahan ng kritikal na pagbasa sa panahong kayang lumikha at magpalaganap ng napakaraming impormasyon ang AI sa loob lamang ng ilang segundo.
Para kay de los Reyes, hindi lamang kakayahan ng teknolohiya ang dapat pagtuunan ng pansin kundi maging ang kakayahan ng tao na kumilatis sa kredibilidad, konteksto, at katumpakan ng impormasyong kaniyang natatanggap.
Sa ganitong konteksto, nagsisilbing mahalagang kasangkapan ang wikang Filipino hindi lamang sa pagpapahayag ng kaalaman kundi sa pag-unawa, pagsusuri, at pagbibigay-kahulugan dito.
Si Dr. D los Reyes ay kasalukuyang Chairperson ng Department of Creative Writing ng University of Santo Tomas (UST), resident fellow ng UST Center for Creative Writing and Literary Studies, at research associate ng UST Research Center for Culture, Arts and Humanities.
Samantala, bahagi rin ng selebrasyon ang mga patimpalak na nagbigay ng pagkakataon sa mga Envergan na maipamalas ang kanilang husay sa paggamit ng wikang Filipino sa iba’t ibang larangan ng malikhaing pagpapahayag.
Bukod sa talakayan, naging bahagi rin ng selebrasyon ang serye ng mga patimpalak na nagbigay-daan sa mga Envergan na maipamalas ang kanilang husay sa pagsulat, pag-awit, at pagsasalita sa wikang Filipino. Kabilang dito ang Pagsulat ng Sanaysay, Pagsulat ng Tula, Isahang Pag-awit, Dalawahang Pag-awit, at Dagliang Talumpati.
Sa Pagsulat ng Sanaysay, nanguna si Marcy Joy Caperiña, habang sina Jan Zefranco at Patricia Mitchie Lat ang nagtamo ng ikalawa at ikatlong puwesto. Sa Pagsulat ng Tula, itinanghal na mga nagwagi sina Sofia Yuhn Hjelmarih De Silva, Marie Katrina Fabie, at Christina Loise Marasigan.
Sa Isahang Pag-awit, nanguna si Syd Lorenz Atega, kasunod sina Marc Christian Misolas at Kim Mary Macafe. Samantala, sa Dalawahang Pag-awit, nagwagi sina Leanne Lei Alpay at Aleeza Mari Nuñeza, habang ikalawa sina Raul Navales at Jasmine Mae Puhawan.
Sa Dagliang Talumpati, itinanghal na kampeon si Jase Arquiza, sinundan nina Rafael John Carandang at Margareth Heinz Navidad bilang ikalawa at ikatlong puwesto.



