Mula sa dating Food and Beverage Laboratory, isa nang ganap na learning laboratory at negosyo ang Cafe 1947 matapos itong pormal na buksan sa publiko sa The Manor, College of International Hospitality and Tourism Management (CIHTM) Building ng Manuel S. Enverga University Foundation-Lucena, Hulyo 23.
“Mixing big dreams with hands-on experience,” ani Executive Vice President for Administration Atty. Dario Opistan sa kaniyang pambungad na mensahe, bilang pagbibigay-diin sa layunin ng proyekto.
Ayon naman kay Dr. Maricel Herrera, Dean ng CIHTM, magsisilbing in-house on-the-job training (OJT) ang Cafe 1947 upang higit na mahasa ang kakayahan ng mga estudyante bago sila mailagay sa mga partner establishments para sa kanilang internship.
Dagdag pa niya, ang kikitain ng cafe ay muling ilalaan sa pagpapahusay ng pasilidad sa pamamagitan ng pagbili ng karagdagang laboratory equipment, habang ang paunang pondo para sa proyekto ay nagmula sa pamunuan ng unibersidad.
Tampok sa Cafe 1947 ang pagsasanib ng Filipino at international cuisine, ayon kay Chef Reinhold Cerillo, Laboratory Instructor ng Culinary Program.
Kabilang sa mga inihahain ang dessert, inumin at main courses tulad ng palabok spaghetti, turon bread pudding at Indonesian-inspired chicken barbecue satay, mula sa konsepto ni Cerillo.
“The feeling of serving food to people—kapag nakita mong masaya sila at naa-appreciate nila ang iyong serbisyo… lalo mo silang mamahalin at ganoon din sila sa amin,” ani Cerillo.
Kasabay ng pagbubukas ng Cafe 1947, ginawaran din ng scholarship ang ilang CIHTM student assistants. Magsisilbi sila sa cafe habang natutulungan sa kanilang gastusin sa pag-aaral at patuloy na nahahasa sa aktuwal na operasyon ng culinary and tourism industry.
Maaari nang bisitahin ng publiko ang Cafe 1947 araw-araw, Lunes hanggang Linggo, mula alas-7:30 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi.



