Kauna-unahang Lambanog Festival: Inuming bayan, handang iangat sa mundo

Christer Jeff Pabillar

August 31, 2025

“Para sa aming mga maglalambanog, napakalaking tulong po sa amin nito,” ani ni Rodolfo Arpia, pangulo ng lokal na samahan ng mga manggagawa sa niyugan ng Pahinga Sur sa Candelaria.

Ito ang isa sa mga nagbigay-diin sa kauna-unahang Philippine Lambanog Festival na ginanap sa Lucena City, Agosto 26-27.

Nagsama-sama ang mga magsasaka, prodyuser, eksperto, at lokal na komunidad upang itaguyod ang lambanog bilang inuming bayan at produktong may potensyal sa pandaigdigang merkado.

Pinagsama ng Philippine Coconut Authority (PCA) Region IV-A, Pinoytender Management Consultancy, at Manuel S. Enverga University Foundation (MSEUF) ang iba’t ibang sektor upang bigyang-pugay ang lambanog, na matagal nang nakaugat sa kultura ng Quezon.

Kasabay ng pagdiriwang, binigyang-diin ang muling pagsigla ng produksyon ng niyog sa Quezon.

Nakikita ng mga lokal na magsasaka ang positibong epekto ng festival sa kanilang komunidad—mula sa pagtaas ng demand ng lambanog hanggang sa pagbibigay ng oportunidad na mas maipakita ang kalidad ng kanilang produkto. Sa ganitong paraan, ang festival ay hindi lamang selebrasyon ng inumin kundi simbolo rin ng pagbangon at pagpapaunlad ng lokal na industriya ng niyog.

Hindi lamang pagtikim at eksibit ang tampok sa festival. Nagdaos din ng mga forum at seminar na nagbigay-linaw sa potensyal ng lambanog bilang isang premium spirit.

Binigyang-diin nina Ritchie Cruz, tagapagtaguyod ng lambanog, at Troy Arquiza, Global Master Blender ng Bacardi, ang kakayahan ng lambanog na makilala sa pandaigdigang merkado.

Para sa kanila, ito ay higit pa sa inumin—isa itong simbolo ng malikhaing pagkakakilanlan ng Pilipino.

Pinakilala rin ang mga tatak gaya ng Batangas Lakan, isang “extra-premium” lambanog na nakatanggap na ng internasyonal na parangal.

Patunay ito na sa pamamagitan ng maingat na pag-distila at makabagong teknolohiya, kayang iangat ang lokal na inumin mula baryo hanggang bar ng mundo.

Para sa mga lokal na magsasaka at prodyuser, higit pa sa kita ang dala ng festival; paalala ito na ang lambanog ay mahalagang bahagi ng kasaysayan at kultura ng Quezon—isang pamana na maaaring makilala sa buong mundo.

Sa bawat tagay ng lambanog, nakaukit ang tapang, tiyaga, at pag-asa ng mga taga-Quezon. Ngayong binibigyan na ito ng pagkakataong makilala sa buong mundo, malinaw ang tanong: handa na ba ang lambanog na yakapin ng bagong henerasyon?

You might want to read…

Hindi pa tayo malaya

Hindi pa tayo malaya

Hindi ko magawang bumati ng “Maligayang Araw ng Kalayaan.” Sa tuwing ika-12 ng Hunyo, muli nating ginugunita ang kasarinlang ipinaglaban at pinagbuwisan ng buhay ng mga bayaning nangarap ng isang malayang Pilipinas. Ngunit habang nababasa ko ang mga balitang tungkol...

Pamusay

Pamusay

Sa pula o sa puti, Iisa lamang ang lahi, Ngunit tila parehas nagtatalo Nakailang kahig para sa iisang tuka Nauuna pang dumilat kaysa sikat ng araw, Ngunit sikmura’y nananatiling hungkag Tila ba’y tayo rin ang nagtatanim ng mga sugat Para sa pinamusay nilang mga butil...

Where do wishes go when candles die

Where do wishes go when candles die

Year after year, when the candles burn bright, they carry the same question.“What would you wish for?”I smile, but my lips stay sealed. The words gather in my chest, pressing softly against my ribs, while the smoke curls upward as if it knows where to go better than I...