Sa pagpapaigting ng sustainable transport initiative at ‘Green Metric’ standing ng pamantasan, pinangunahan ng Manuel S. Enverga University Foundation sa ilalim ng Health, Safety, and Auxiliary Services Department (HSASD) ang pagbubukas ng kauna-unahang campus-based bicycle project sa probinsya ng Quezon, ika-14 ng Agosto.
Matatagpuan ang mahigit 20 bisikleta sa tapat ng College of Criminal Justice and Criminology (CCJC) Building sa ilalim ng programang Bisig-LETAS (Leading Envergans Towards Alliance in Sustainability). Libre itong magagamit ng mga mag-aaral, guro, at kawani upang mapabilis ang paggalaw at mapababa ang carbon footprint sa loob ng kampus.
Pinangunahan nina HSASD officer at Assistant to the VP for Administration Arby Lagman, Assistant to the VP for Academics and Research Claudia Odette Ayala, VP for Administration Dario R. Opistan, VP for External Relations Celso D. Jaballa, University President at COO Naila E. Leveriza, at Chairman at CEO Wilfrido Enverga ang paglulunsad ng proyekto.
Ang bike hub ay inilaan ng pamantasan katuwang ang University Collegiate Student Council (UCSC) at donasyon ng iba’t ibang student organizations tulad ng The Honor Society of the Lambda Kappa Phi (HSLKP) at Graduating Class of 2025.
Idiniin ng administrasyon na ito ang kauna-unahang bicycle project initiative sa isang unibersidad o academic institution sa buong probinsya ng Quezon.



