Magdadalawang taon na rin ang lumipas, ngunit sariwa pa rin sa aking isipan ang pagkabalisang dulot ng nakapangingilabot kong karanasan sa university swimming pool. “Mag-ingat kayo, ha,” natatandaan kong pagpapaalala ni Sir Max bago tapusin ang klase namin sa swimming. “Next week na natin itutuloy ang practical niyo. Umahon na kayo sa pool, mag-shower at magligpit ng gamit. Tayo na lang ang tao rito, kaya bilisan niyo nang makauwi na kayo kaagad. Mahirap na, madilim palabas ng University Swimming Pool, baka kung ano pa ang mangyari sa inyo,” dagdag pa niya noon.
Malapit nang pumatak ang alas-9 ng gabi at may kakaibang katahimikan na bumabalot sa paligid. Walang ibang ingay kundi ang banayad na tunog ng tubig sa pool at ang mga mumunting pag-akyat namin sa gilid nito. Isa-isa kaming umahon mula rito, kinuha ang mga gamit at nagmamadaling pumunta sa shower room.
Lima kaming sabay-sabay na naglakad, pero naiwan ako sandali dahil nakalimutan ko ang aking tsinelas sa tabi ng pool. Pagtungo ko sa shower room ay malapit nang matapos ang aking mga kasama. Dali-dali akong naglinis ng katawan ngunit paglipas ng ilang minuto ay lumabas na rin sila at nagpaalam.
“Hanz, pre, una na kami. Hintayin ka na lang namin sa may CME Building,” wika ni Aiden, ang aking kaibigan. Hindi ko alam ngunit habang binibigkas niya ito, tila nag-iba ang boses niya—malalim at malagong ang tunog na parang nanggagaling mula sa dulo ng isang mahabang tunnel. Nakapangingilabot, ngunit isinantabi ko iyon at inisip na baka echo lang ng shower room o pagod lang ako.
“Ah sige, susunod na rin ako,” sagot ko sa kaniya habang nagmamadaling magbihis at ilagay ang gamit sa bag.
Ilang segundo pa lamang ang nakalipas nang may narinig akong paglagaslas ng tubig mula sa isang shower stall. Walang tao sa paligid. Walang sinuman ang pumasok o lumabas. Wala akong kasama kaya’t nanlamig ang aking buong katawan sa takot.
Pilit kong kinakalma ang sarili—”Siguro’y guni-guni ko lamang iyon,” sambit ko sa aking sarili. Ngunit habang iniipon ko ang lakas ng loob para lumabas, naramdaman ko ang malamig na haplos ng hangin na gumagapang sa aking batok. Parang may nakatitig sa akin, at sa katahimikan ay may naririnig akong mga bulong.
“Huwag kang lalabas, kukunin ka nila.”
“Dito ka lang. Huwag mo akong iwan.”
Pinilit kong tanggalin ang takot na aking nararamdaman ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay hindi ko magalaw ang aking mga paa. Parang may nag-uutos sa akin na manatili. Pilit akong sumisigaw, ngunit walang lumalabas na tunog mula sa aking bibig. Sa bawat hakbang palayo ay tila may humahatak sa akin pabalik—parang may malamig na kamay na nakagapos sa aking leeg.
Habang ako’y binabalot ng takot, sinimulan kong dasalin ang “Aba Ginoong Maria,” paulit-ulit, walang humpay. Ramdam ko ang bigat at lamig sa paligid. Para akong sinasakal ng isang presensya—hindi ko makita, pero dama kong nakapaligid siya.
“Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya…,” patuloy kong pagdadasal habang pinipilit na kumakawala sa hindi nakikitang mga kamay na humahawak sa aking leeg. Palakas nang palakas ang aking dasal. Humihigpit ang kaniyang kapit ngunit pinilit kong labanan hanggang sa pakawalan na rin niya ako.
Dali-dali akong kumaripas nang takbo palabas. Hinahabol ko ang aking hininga habang nanginginig pa rin ang buo kong katawan.
Sa aking paglabas, agad kong nakitang naghihintay sa entrance ang kaibigan kong si Aiden. Napanatag ang loob ko. Walang pagaalinlangan ay patakbo ko siyang nilapitan.
Nang kaharap ko na siya ay biglang nag-iba ang ekspresyon niya. Blangko ang kaniyang tingin at sabay sambit nang pabulong, “Bakit ang tagal mo?”
“Aiden! sa shower room! May—”
“BAKIT ANG TAGAL MO!?” pagputol niya sa akin na siyang ikinagulat ko.
“Aiden? Bakit? Anong—” kinakabahan at naguguluhang tanong habang lumalayo ako sa kanya.
Hindi siya sumagot bagkus ay isang matalim na titig ang ibinigay niya sa akin. Ngumiti sya at hinawakan ang aking balikat. Ang bigat ng kaniyang kamay—mas mabigat at mas malamig kaysa dati. Hindi ako makagalaw. Parang nagyeyelo ang aking buong katawan sa takot.
“Aiden… may… problema ba?” ang nanginginig kong tanong.
Hindi siya sumagot, tahimik pa rin siya, nakatingin lamang sa akin nang may malamlam na ngiti, na tila ba tumatagos sa aking kaluluwa. Ang kaniyang mga mata ay nagbago, tila naging malalim na itim, parang walang laman.
“Aiden? Ano’ng nangyari sa ‘yo, Aiden?” tanong ko ulit nang may pag-aalala. Pilit kong nilalabanan ang nanginginig kong boses. Ngunit imbis na sumagot, inabot niya ang aking kamay at hinigpitan ang kaniyang kapit.
“Halika, sama ka na. Masaya doon,” bulong niya nang mabagal habang pilit niya akong hinihila patungo sa pool.
“Den, ‘wag kang magbiro ng ganyan. Hindi nakatutuwa,” sagot ko habang pinipigil ang kaniyang paghila.
“SUMAMA KA!” malakas niyang pagsigaw na umalingawngaw sa buong lugar.
“Samahan mo ako sa ilalim ng tubig,” dagdag pa niya sa tonong mas malalim, mas nakakatakot, na parang hindi siya ang nagsasalita.
“AIDEN! HUWAG! HINDI IKAW ‘TO AIDEN!” pagmamakaawa ko habang pilit na kinakalas ang aking kamay sa pagkakahawak niya.
Nagpupumiglas akong hinihila niya tungo sa swimming pool. Nang malapit na sa gilid at lumuwag ang kaniyang pagkakahawak sa aking kamay ay pinilit kong kumawala at tumakbo palabas nang hindi lumilingon. Bawat hakbang ko ay naririnig ko ang kanyang paulit-ulit na sigaw:
“WALANG MAKAKATAKAS!! WALA!!! WALANG MAKAKATAKAS!! WALA!!!”
Hinabol pa niya ako ngunit tuluyan na akong nakalayo. Hinihingal, pawis na pawis at hinang-hina ako nang marating ang maliwanag na parte ng CME Building. Tila nabunutan ako ng tinik sa lalamunan nang makita ko ang kaibigan kong si Trish at ang aking mga kaklase.
“Trish! Si Aiden! Nasa swimming pool! Hindi ko siya maintindihan. Kakaiba siya!” bungad ko.
“Ha!? Ano!? Si Aiden!?” nagtatakang tanong niya.
“Oo! Nandun sya. Pilit niya akong hinihila papunta sa pool. Nanlilisik ang mga mata niya!” pagpapaliwanag ko.
“Hanz! Anong pinagsasabi mo? Umalis na si Aiden. Kanina pa! Hinahanap na raw sya sa kanila,” bigkas ni Trish.
“Pero… sino… ‘yong kanina?” pag-crack ng boses ko sa kaba. Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Wala dapat si Aiden sa pool. Dapat nandito siya kasama nina Trish na maghihintay. Hindi ko na alam. Naguguluhan ako.
“Ikaw, Hanz, tinatakot mo lang sarili mo. Tara na nga! Baka pagod ka lang,” sambit ni Trish.
Maaari ngang pagod lang ako noong panahon na iyon ngunit tandang-tanda ko pa ang pagtindig ng aking balahibo nang lumingon ako tungo sa kinaroroonan ng University Swimming Pool. Wala akong makita ngunit ramdam ko, kahit hanggang ngayon tuwing mapapadaan doon, ang presensya na bumubulong sa hangin: “Samahan mo ako.”



