Madilim na ang hallway, sanhi ng mapupunding ilaw, may kalakasan ang hangin kaya’t sumasayaw ang mga halamang nakapaligid. May pagka-creepy pero sanay naman ako dahil two weeks na rin akong duty bilang S.A. sa aming university and 8pm ang timeout ko.
Kaunti na lang ang mga estudyanteng nakatambay dito sa St. Bona. “One, two, three”, inisa-isa kong bilangin ang aking mga kasama rito habang palihim na itinuturo ng aking mga daliri.
Apat lang kami rito, mukhang paalis na rin naman ‘yong dalawa dahil nag-eempake na sila ng gamit noong dumating ako. Meaning, dalawa na lang kaming matitira. Ang weird nga ni kuyang naka civilian, nakaharap lang siya sa pader na parang may kinakausap sa may parte ng kanan sa unahan, malapit sa stage.
Kinakabahan ako dahil posibleng umalis din siya mamaya. Hindi ako sanay sa ganitong ambiance, ang creepy kasi ng paligid na akala mo’y may mga matang nakatitig sa’yo.
Isang oras na ang nakalipas, wala pa rin si Belle. “Ayos lang naman kung kalahating oras pero napasobra naman ang tagal mo Belle” bulong ko sa aking isipan. Padabog akong tumayo bitbit ang aking mga gamit, ipapaalam ko na lang sa kaniya na uuna na akong umalis dahil natatakot na ako. Lalo na rito sa kasama ko, isang oras na siyang nakaharap sa pader.
“Kuya, kapag may dumaan po dito at tinatanong kung nasaan ako, pakisabi po na umuwi na ako, Kai po ang pangalan ko baka po itanong”, ang pakisuyo ko ngunit hindi niya ako pinapansin. Nakakakaba ang pagka-weird na niya.
“Kuya okay ka lang ba?” tanong ko, dahan-dahan akong lumapit. Nagtataka na talaga ako kaya nilapitan ko na siya.
Biglang namatay lahat ng ilaw sa buong campus, agad na akong nakaramdam ng kilabot. Anong nangyayari? Naaninag ko pa rin si Kuya pero nakatayo pa rin siya. Napakalakas na ng tibok ng dibdib ko. Humakbang ako palayo sa kanya ngunit napatigil ako nang maaninag ng ilaw sa screen ng cellphone ko. Wala na ang kalahating parte ng kanyang katawan sa unahan, tila hinati siya patayo, makikita sa kanyang mukha ang mga mata niyang halatang inukit sa gilid
“Ahhhhhhhhhh!” ang sigaw ko sa buong hall ngunit napansin ko ako lang ang natitira rito.
Nanginig ako nang tuluyan.
Napansin ko ang paggalaw ng kanyang kamay habang lumalapit sa akin, isinesenyas na huwag akong mag-ingay ngunit patuloy pa rin ako umirit.
Utay-utay na nagsisilaglagan ang kanyang mga lamang loob sa sahig hanggang napansin kong bumagsak kanyang puso. Tumitibok-tibok pa rin.
Naririnig ko ang mahinang pagtagas ng dugo na galing sa kanyang tiyan.
Hindi ko na kinaya nang makita kong malaglag ang kanyang mga mata at gumulong ito sa kinauupuan ko, dahil dito mas lalong bumilis ang tibok ng dibdib ko, nahihirapan na akong huminga, para akong naiipit sa madilim at katakot takot na lugar na walang paraan upang makalaya – ikinandado. Nararamdaman ko na unti-unting tumitirik ang aking mga mata, kasabay ng lalong pagdilim ng paligid.
“Kai! Kai!! Tara na.Huy! Anong ginagawa mo riyan? Hindi mo naman sinabi na may ka talking-stage ka na pala. Umuwi na tayo, tapos na yung ginagawa namin para sa project tomorrow.”
Minulat ko na ang mga mata ko at laking pasasalamat ko nang marinig ko ang boses ng aking kaibigan, bigla akong naalimpungatan kasabay ng aking pagtataka. Natagpuan ako ni Belle sa St. Bona na nakahiga sa stage na kung saan nakapwesto si Kuyang naka-civilian. Wala na siya.
“Bakit ang tagal mo? Kanina pa ako dito naghihintay” ang sabi ko sa kanya na may panginginig sa aking mga labi.
“Huh? Mga 15 mins lang ako nawala grabe ka, na-miss mo naman kaagad ako, namuti ba kaagad yang mga mata mo?” ang kaniyang tugon habang humahagikhik.
Dito’y nagtaka na ako at medyo natulala, imahinasyon ko lamang ba ang lahat ng nangyari? Kung imahinasyon lamang ito, nakapagtataka naman bakit ako nakapwesto sa kinatatayuan ni Kuya? Upang hindi na madagdagan ang takot na nararamdaman ko, isinawalang bahala ko na lamang ito, hindi ko na rin ibinahagi kay Belle dahil alam ko na matatakot din siya at mas lalo lang rin madadagdagan ang takot ko. Nag-umpisa na kaming maglakad paalis sa lugar na ito.
“San mo naman nakuha ang mata na yan, Kai?” ang sabi ni Belle habang nakaturo sa aking kaliwang kamay na may bakas ng dugo.