Winakasan ng CCJC Raptors ang pukpukan sa Men’s at Women’s Volleyball ng Intramurals 2023 nang pinakawalan nila ang malalakas at mala-kidlat na palo laban sa kanilang mga kalaban sa MSEUF Covered Court.
Sa kategorya ng mga lalaki at mga babae, nakamit ng mga manlalarong CCJC Raptor ang gintong medalya matapos manalo kontra sa mga balibolista ng CEng Tigers.
Labanan ng Depensa. Mahigit isang oras at kalahati ang itinagal ng laro ng mga kolehiyo sa championship match ng Men’s Volleyball dahil sa matibay na depensa at palaban na enerhiya ng CEng Tigers.
Pinakita ito ng CEng Tigers matapos nilang maipanalo ang ikalawa at ikatlong set kontra CCJC Raptors, 25-16 at 25-22.
Huminto ang mundo ng Tigers nang pumalo at magpakawala ng mga puntos sa ikaapat at panghuling set ang CCJC Raptors.
Naging posible ang pag-alpas ng Raptors sa depensa ng CEng Tigers dahil sa kanilang mga indibidwal manlalarong nagpamalas ng talento at ginawaran bilang pinakamagagaling kabilang ang setter na si Christian Gonzales, libero na si Jomar Javier, at server na si Ransie Ramos.
Dagdag pa rito, mula rin sa Raptors ang tinaguriang pinakamahalagang manlalaro o Most Valuable Player sa dibisyon ng lalaki na si Gonzales.
Bagaman pilak ang maiuuwi sa departamento, nasungkit naman ni Angelo Rioflorido, ang titulo ng pinakamahusay na blocker sa buong dibisyon ng panlalaking balibolista.
Sa kabuuan, kumalap ang CCJC Raptors at CEng Tigers ng 25-23 sa unang set, 16-25 sa pangalawa, 22-25 sa pangatlo, 25-22 sa pang-apat, at 15-10 sa panghuli.
Sumunod sa CEng Tigers, nakamit naman ng CME Puma ang tanso. Ang espesyal na parangal bilang pinakamahusay na attacker ay nakuha rin ng kanilang player na si Marc Rotoni habang ang best receiver naman ay ang manlalaro nilang si Louismith Egenias.
Pagbawi ng Raptors para sa kampeonato. Kinabahan ang mga manonood nang makuha ng CEng Tiger ang unang set sa championship game ng pambabaeng dibisyon ng Volleyball, 25-19.
Bagamat natalo sa unang set, bumawi ang CCJC Raptors sa mga sumunod na laban at sumungkit ng gintong medalya. Sa pangalawa at pangatlong set, nakakuha ang CCJC Raptors at CEng Tiger ng 25-23 habang 25-16 naman ang kanilang iskor sa pang-huling set.
Natamo naman ng CAFA Panthers ang tanso, at ang pinakamahusay na server ay binigay sa kanilang manlalaro na si Marlhex Nobleza.
Hindi nagpatinag ang CCJC Raptors sa paghahasa ng pinakamahuhusay na manlalaro sa pambabaeng dibisyon ng volleyball nang kilalanin si Kayla Pasamba bilang MVP at pinakamahusay na setter, best libero si Alyzza Mhae Roces, at best receiver na si Kathyrine Dalisay.
Ginawad naman sa mga manlalaro ng CEng Tigers pinakamahusay na attacker, ang #6 na si Maisie Almodiel, at pinakamahusay na blocker, ang #9 na si Moanna Berbon.