Tuwing Semana Santa sa Bundok Banahaw

theluzonianmseuf

January 13, 2024

Noon, sa Bundok Banahaw taong 1999 nang unang beses akong sinama ni Ama mamundok — tanda ko, anim na taon pa lang ako matagal ko nang hiling kay Ama na isama niya ako sa kanyang pamumundok tuwing Semana Santa ngunit hindi pa daw ako handa.

Noong ika-labing tatlong taon ko na kaarawan, hinandugan ako ni Ama ng trespikong kunwintas na galing pa daw kay Lolo — ingatan ko raw ito dahil ako ang kasunod na henerasyon. At sa susunod sa semana santa ay isasama na daw niya ako kaya paghandaan ko daw ang aking alay.

At ngayon, sa aming pag-akyat ni Ama inihanda niya ang dalawang kandila upang itirik namin sa paanan ng Banahaw — simbolo raw ito ng paggalang bago pumasok sa sagradong bundok na tagapangalaga ng mga lihim, kwento, at espiritu.

Mararamdaman ang lamig na bumabalot sa bundok, unti-unting nag-iiba ang presensya ng paligid sa pagpasok namin sa kagubatan patungo sa puso ng Banahaw. Kailangan ihanda ang aming kalooban, patatagin ang isip at damdamin — dahil ang mahihina raw ang loob ay nawawala sa bundok.

Habang lumalalim ang pagtahak namin sa kagbutan ng Banahaw, maririnig ang huni ng ibon at tinig ng kalikasan — at isang boses?

Halika anak at sundan ang aking yapak

Sa pagpatuloy namin ni Ama sa paglalakbay ang lumalakas lalo ang boses.

Halika anak sa lupang pangako

H’wag ko raw itong pakinggan sabi ni Ama, baka mapagaya ako sa isang ermitanyong napadpad dito upang magorasyon ng anting-anting ngunit hindi na muli nakaalis pa sa bundok dahil sa paniniwala at pananampalataya sa santong boses na kanyang narinig. Kailangan namin ituon ang kaisipan sa aming pakay, at bago lumubog araw nasa puso na kami.

Nang makarating sa puso ng bundok, mananatili kami rito sa umpisa ng Huwebes Santo hanggang matapos ang Semana Santa sa Linggo ng pagkabuhay. Kailangan namin isagawa ang ritwal, alinsunod sa tradisyon ng aming angkan.

Natatanging kami ang angkan na hindi nakakalimot sa pagunita ng seremonya dito sa Bundok Banahaw — itinuro sa akin ni Ama ang sagradong seremonya, panalangin, at kasulatan na aking itatanim sa aking kaisipan at balat — ang simbolo ng paraluman na magbibigay sa amin ng gabay.

Huwebes Santo, inutusan ako ni Ama mamitas ng mga kakailanganin na mga damo at halaman. Puno ng mga halamang-gamot ang Banahaw, pinapaniwalaan rin na ang tubig na dumadaloy sa bundok ay galing sa isang banal na lawa — na kailangan ko rin hanapin at igiban para sa paglilinis.

Dahil dating bulkan ang Banahaw, maraming bukal ang matatagpuan at sa tuktok nito may “milagro” raw ang tubig na nakapagpapagaling ng may sakit sabi ni Ama. Buong araw ang aming paghahanda, kailangan namin makumpleto ang kasangkapan bago matapos ang araw.

At sa Biyernes Santo bubuksan ng mga espiritu, diwata, at engkanto ang durungawan — ang kweba sa tuktok ng bundok. Ito ang lagusan na nagkokonekta sa mundo ng mga tao at mga espiritu. Kinakabahan ako, dahil hindi pa handa ang alay ko.

Umaga ng Biyernes Santo, naghanda kami ni Ama sa pangangaso. Usa na may tatlong suwi ang sungay, ito ang mahalagang alay. Mahalagang mapana ang usa direkta sa puso at iinumin namin ang dugo pampahaba ng buhay at manumbalik ang lakas ng kalusugan.

Iaalay ang ispesyal na usa sa mga espiritu, diwata, at mga engkanto para lumakas ang relasyon at mapanatili ang kapayapaan ng parehong mundo ng espiritu at tao. Hindi madali ang paghahanap sa usa, nanganganib na ang kanilang lahi dahil sa mga nangangaso sa bundok.

Hindi ko inaasahan kung gaano kalalim ang dahilan ng pagbubundok ni Ama tuwing Semana Santa — at ako ang bagong henerasyon kailangan kong mapagtagumpayan ang unang beses kong pagsabak sa ritwal ng aming angkan, para makamit ko ang batik ng paraluman.

Hindi madali pero bago pa man maghapon, sa may batis ko natagpuan ang usang may tatlong suwi ang sungay at hindi na ako nagatubiling panain ito sa puso. Ito pa lang ang unang bahagi ng orasyon — matapos inumin ang dugo nagtira ng isang baso si Ama, para raw sa susunod na bahagi.

Alinsunod sa sabi ni Ama, nagtungo kami sa tuktok ng bundok at aking nasaksihan ang pagtitipon ng mga engkanto, espiritu at mga diwata ng Banahaw. Hinahayaan nila kaming lumagpas at magtungo sa gitna ng seremonya upang ihandog ang ispesyal na usang may tatlong suwi ang sungay. Pero bago pa man buksan ang durungawan, nagmadali kami ni Ama sa aming paghahandog ng alay at orasyon dahil pinagbabawal na masaksihan ng isang tao ang durungawan. Dahil ang taong makakakita dito ay maakit pumasok sa lagusan at imposibleng makababalik pa.

Tapos na ang ritwal para sa Biyernes Santo, nagbalik muli kami sa puso ng Banahaw at isinagawa ang seremonyas sa pagtatagumpay kong ito — ito na rin ang hudyat ng pagpapasa ng tradisyon ng aking angkan mula sa aking mga ninuno magmula kay Ama at sa sugo ng bagong henerasyon.

Kami na lamang ni Ama ang natitira na gumagawa ng ritwal na ito tuwing Semana Santa — kailangan namin itong ipagpatuloy para maiwasan ang sakuna sa aming probinsya, may mga insidente na noong nakaligtaan ang tradisyon — at isa itong malaking kasalanan sa aming angkan. Ang pagsabog ng Banahaw, bumigay ang timog bahagi ng bulkan at umagos ang tubig ng lawa diretso sa bayan ng Sariaya. Isang sakuna rin ang dumating, niyanig ng isang napakalakas na lindol ang bayan ng Kalilayan. Naiwang luhaan ang mga taga-tayabas dahil naguho ang buong bayan.

Sinimulan ni Ama ang aming seremonyas, ikinalat niya ang aking pinitas na mga halaman at tinipon ito hanggang mapalibutan ang aming kampo at saka niya ito sinindihan — nagliliyab na bilog sa puso ng Banahaw. Inumpisahan na niya ang pagbabatik ng aming simbolo sa aking likod, ginamit ni Ama bilang kasangkapan ang dugo ng usa para maging tinta, ang tinik ng pomelo para sa pagtatanim sa aking balat, tubig mula sa banal na lawa panglinis — orasyon para maging isa ako sa elemento.

Sabado de Gloria, patay na ang diyos — malakas ang pwersa at kapangyarihan ng mga espiritu, engkanto at mga diwata sa ating mundo. Malayang nakakapagliwaliw at nakakapaghasik ang mga ito — mabubuti man o masasama. Ito ang huling bahagi ng aming ritwal, ang taimtim na pagdadasal sa loob ng nagliliyab na bilog sa puso ng Bundok Banahaw. Kailangan naming lakasan ang aming loob upang hindi paglaruan ng engkanto, at kailangan naming lakasan ang aming damdamin para hindi matukso sa mga diwata.

Kami na lamang ni Ama ang natitirang gumagawa ng ritwal na ito para manumbalik ang sigla at kalusugan ng kagubatan gayundin ang relasyon ng tao at espirtu — at para na rin sa masaganang ani at kaligtasan ngayong taon ng aming lalawigan.

Turo sa akin ni Ama para mapagtagumpayan ang orasyon sa araw na patay ang diyos; huwag kong huhubarin ang aking trespiko, huwag akong aalis sa bilog na apoy, huwag kong hahayaan na malinlang ng kanilang mga salita, at higit sa lahat lakasan ang aking dasal at pananampalataya.

Linggo ng Pagkabuhay, babalik na muli ang mga espiritu, diwata, at mga engkanto sa kanilang mundo. Ang mga tagubili naman ay maiiwan sa Banahaw upang mapangalagaan ang mga lihim, kwento, at ang sagradong kabundukan. Natapos na rin ang aming seremonyas para sa taon na ito, napagtagumpayan ko ang unang pakikipagsapalaran sa aming ritwal. Ako ang sugo ng bagong henerasyon at inatasan ng aming angkan na pangalagaan ang tradisyon na ito.

Ilang taon na rin ang lumipas, yumao na si Ama. Nanganganib na ang tradisyon na ito sa bagong henerasyon — maraming pag-aalinlangan ngunit hindi maintindihan ang lalim na dahilan ng aming pagbubundok tuwing Semana Santa.

Iilan na lamang ang nakakaalala ng tradisyong ito sa Bundok Banahaw at iilan ang aktibong lumahok sa ritwal na ito, namamatay na tradisyon at ngayon ano ang mangyayari kapag dumating ang panahon na tuluyang makalimutan ito?

-Saturnino

You might want to read…

Crawling Filth of Juan Tamban

Crawling Filth of Juan Tamban

In many Filipino homes, a mother’s warmth is the light that embraces, while a father’s strength forms the walls that protect. But what happens when those walls harden into fists, and that light begins to flicker? Beneath the cold floors, something crawls in the house...

When love leave scars

When love leave scars

A bruise blooms like an ink stain on soft skin—dark at first, then fading to a shadow. But some wounds go deeper. Some settle into the bones, whispering their presence in moments of stillness. Peklat Cream, a hauntingly clever track by Bita and the Botflies, gives...

Ending Period Poverty, empowering Filipina students

Ending Period Poverty, empowering Filipina students

Despite ongoing efforts to promote gender equality, period poverty remains a major barrier to education for many young Filipinas. Period poverty refers to the lack of access to menstrual products, inadequate facilities, and the deep-seated stigma surrounding...