Sa tuwing binabagtas ko ang kahabaan ng Banyuhay Bridge, sa bawat hakbang sa kahoy nitong tapakan, hindi ko mawari ang bigat ng hanging sumasalubong. May malamig na haplos na bumabalot sa akin, parang may alingasngas ng alaala o isang maitim na alingawngaw na sumusunod sa bawat yapak ko, wari’y nagtatago sa anino ng usok. Hindi ko tuloy malaman kung isa lamang itong laro ng imahinasyon o kung talagang may lihim na bumabalot at nagmamasid sa bawat dumaraan sa tulay na ito.
Isang madilim na gabi ng Miyerkules, ito ang gabing hinding-hindi ko makakalimutan. Galing ako sa departamento ng CAS at pauwi na ako noon. Nag-iisa akong naglalakad patungo sa tulay, hawak ko ang aking telepono upang kumuha ng litrato. Sanay na ako sa paglalakad nang mag-isa, kahit pa unti-unting nilalamon ng gabi ang paligid. Ngunit nang gabing iyon, may kakaiba akong naramdaman, para bang may pumipigil sa akin na tawirin ang tulay. Ngunit nagkibit-balikat na lamang ako dahil wala naman akong naririnig na anumang nakatatakot na kuwento, misteryo, o hiwaga tungkol dito.
Nagpatuloy ako sa paglalakad at napanatag ang loob ko nang makita ko ang isang babaeng tatawid din sa tulay. Nagmadali akong sumabay sa kaniya. Nang makita niya ako, ngumiti siya, kaya ngumiti rin ako pabalik.
“Sabay na tayo,” sabi niya, at agad naman akong sumagot, “Sige.” Habang kami ay naglalakad, tumingin siya sa paligid at sinabing, “Ang ganda rito, ‘no?” Sumagot ako, “Oo, paborito ko ngang parte ito ng eskwelahan.”
Ngumiti siya sa akin at nagwika, “Ngunit hindi lahat ng maganda ay maganda rin ang kuwentong bumabalot.” Napatingin ako sa kaniya dahil bigla siyang naging seryoso. “Hindi mo ba napapansin na binabalot na ito ng dilim?” wika niya. Napatigil ako at nakaramdam ng kaba habang nakatingin sa kaniya, ngunit nakangiti pa rin siya sa akin, bagay na lalo pang nagpalakas ng kabog ng aking dibdib. Binaling ko na lamang ang aking atensyon sa kahabaan ng tulay.
Ramdam ko na hindi pa rin niya inaalis ang tingin niya sa akin, kaya nagpatuloy na lang ako sa paglalakad. Ngunit habang binibilisan ko ang aking mga hakbang, napansin kong binibilisan din niya ang kaniyang paglakad, tila sinasabayan ang bawat yapak ko. Mas lalo akong natakot, kaya nang malapit na kami sa kalagitnaan ng tulay, halos tumakbo na ako kasabay ng bilis ng tibok ng aking puso na gusto nang kumawala dahil sa kaba.
Ngumiti ulit ang babae at mas binilisan pa ang kaniyang hakbang, tila ba nauuna pa siya sa akin. Ngunit pagdating namin sa gitna ng tulay, bigla na lang siyang naglaho na para bang usok at humalo sa hangin. Napasigaw ako sa takot at gulat. Ang hangin ay biglang lumamig, humahaplos sa aking balat na parang may kasamang mga bulong. Hindi na ako nagdalawang-isip at tumakbo na ako paalis sa tulay, umiiyak na ako sa takot dahil hindi ko alam kung anong nilalang ang aking nakasabay.
Sa huling pagkakataon, lumingon ako sa tulay. Nakita ko siyang nakatayo sa gitna nito, nakangiti at kumakaway sa akin. Lalo akong natakot at tumakbo nang mabilis hanggang sa makarating ako sa Gate 3. Tinanong ako ng guard kung bakit ako umiiyak at kung ano ang nangyari, ngunit sinagot ko siya ng, “Wala po.” Hindi na ako sumakay ng jeep at pinili kong sumakay na lang ng tricycle upang mas mapabilis ang aking pag-uwi.
Takot na takot ako noon, umiiyak ako habang pauwi. Alam kong mahirap paniwalaan ang aking naranasan kaya pinili kong sarilinin na lang ito, na tila ba’y walang kakaibang nangyari.
Simula ng gabing iyon, tuwing maglalakad ako sa tulay, ang simoy ng hangin ay nagiging malamig, at pakiramdam ko ay mayroong nakatingin at nagmamasid sa akin. Minsan ay nagpapakita pa rin siya na tila sumasabay sa aking bawat hakbang, tinatanong kung kamusta ang araw ko. Tulad ng dati, sa gitna ng tulay, bigla siyang naglalaho na parang usok. Madalas ko rin siyang nakikita na sumasabay sa mga estudyanteng naglalakad, umaastang kabilang siya rito at nakikitawa sa kanila. Minsan naman, kapag napapatingin ako sa ibaba ng tulay, nakikita ko siya roon—tumatangis, tila humihingi ng saklolo. Tuwing napapansin niyang nakatingin ako, bigla na lang siyang naglaho. Ngunit laking gulat ko sa oras na iyon nang bigla siyang lumitaw sa tabi ko at nagsabing, “Tara, sabay tayo?”