Sa wakas, natapos na rin ang huling klase. Madilim na ang paligid, ngunit mahaba pa ang gabi—‘sing haba ng listahan ng mga takdang hindi ko na puwedeng maisantabi.
“Salamat at bukas pa ang library, makakapag-aral pa ako nang tahimik,” bulong ko sa sarili habang papasok sa gusali.
Habang umaakyat ako sa hagdan, sa gilid ng aking paningin ay napansin kong may sinasabi si manong guard. Ngunit dahil sa sumasabog na musika sa aking mga tainga, hindi ko na rin iyon binigyang-pansin, inisip ko na lang na baka ako’y kaniya lamang binati.
Sa pagtungtong ko sa ikalawang palapag ng library, agad akong umupo sa aking paboritong sulok—sa tabi ng pinto malapit sa seminar hall, kung saan may saksakan at tanaw ko ang paglabas-pasok ng mga tao. Binuksan ko ang aking mga libro at sinimulan ang pagbabasa, hinayaang lamunin ng musika’t mga takdang-aralin ang aking kamalayan.
“The war forced him to evacuate his family from Manila to Lucena and eventually to Mauban.” Nakawiwili palang basahin ang kuwento ni Dr. Enverga, bulong ko sa sarili.
Makalipas ang ilang oras, naubos na ang kanta at naglaho ang musika. Bigla kong napansin ang nakakikilabot na katahimikan; wala akong marinig, ni ang buga ng aircon na kanina’y nakapapanginig sa lamig.
Napatingin ako sa paligid—ako na lang ba ang tao sa library? Hindi. Sa kabilang sulok, may isa pang nakaupo, ngunit nakatalikod siya. “Ang weirdo naman, nakabarong pa siya,” napaisip ako, pero siguro’y may presentasyon lang sila kanina.
Nagpasya akong magligpit dahil lumalalim na ang gabi. Hinugot ko ang saksak ng laptop at sinukbit ang bigat ng aking mga libro. Sa paglabas ko sa kabilang pintuan, muli kong nilingon ang lalaking nakabarong—hindi ko naaninag ang kaniyang mukha dahil nanatili siyang nakatalikod.
Pagbaba ko sa hagdan, natanaw ko ang salamin na pinto ng archive hall sa ibaba ng library. Dala ng kuryusidad sa aking binasang takda, nilapitan ko ito upang silipin ang loob.
“Huh? Parang may tao sa loob,” bulong ko, bahagyang kinikilabutan.
Dahan-dahan kong inilapit ang mukha sa salamin, pilit inaaninag ang pigurang nakatayo sa loob. Pagsandal ng aking mga kamay sa pinto, bigla itong bumukas, at ako’y natumba papasok sa madilim na silid. Nang bumalot ang lamig sa akin, naging malinaw sa alaala ko ang bulong ni manong guard na ‘di ko masyadong pinansin kanina.
“Dito ka na dumaan mamaya, ha? May nagpaparamdam kasi sa kabila, alam mo na” sabi niya pala.
Nakadapa ako sa malamig na sahig nang biglang may humawak sa aking mga braso—malamig at magaspang na mga kamay.
“Sino ako? Hindi ako siya… hindi ako siya!” Isang nakabibinging tinig ang pumuno sa paligid. Kahit anong takip ko sa aking mga tainga, patuloy ang pag-ugong nito sa aking isipan.
Mabilis akong tumingala at natanaw ang isang matandang pigura na parang nasa edad sesenta na. Tuyo ang kaniyang balat, tila nasunog, at unti-unting natutuklap. Nakasuot siya ng barong na luma at kupas, at nang titigan ko ang kaniyang walang-buhay na mga mata, tila unti-unti nitong hinihigop ang aking lakas. Doon ko lamang napagtanto—siya nga ang nakita ko kanina!
“Sino ako? Sino ako!” muli niyang sinigaw, dumagundong ang boses niya sa bawat dingding at pader ng archive hall. Unti-unti niyang nilapit ang kaniyang tunaw na mukha—nakahihilo ang sunog na amoy ng balat, tila amoy bugok na itlog. Pinilit kong ipunin ang aking lakas upang pumiglas, ngunit para bang natuklaw ng malamig na takot ang aking katawan. Wala akong nagawa kundi humingi ng tulong.
“Tulong! Tulong!”
“Noy, gising na. Magsasarado na ang library.”
Isang napakabigat na hininga ang pinakawalan ko. Isa lang pala iyong bangungot. Salamat at ginising ako ni ate guard.
“Salamat, ate,” sabi ko, bahagyang nanginginig pa. Sinamahan niya akong bumaba. “Nasaan si manong guard?” tanong ko, inaalala ang boses na tumambad sa akin kanina.
“Manong guard? Anong hitsura? Ako lang ang naka-duty ngayon,” sagot niya.
Agad akong kinilabutan sapagkat kahit anong pilit ay hindi ko maalala ang kaniyang mukha sa aking isipan. Pati ang kaniyang boses na nagbigay-babala ay tila isang radyong garalgal na hindi na maunawaan.
“Mabuti pa umuwi ka na, dala lang ‘yan ng pagod,” sabi ni ate guard, na para bang sinasabing iwasan ko nang isipin iyon.
Naglakad akong nangingilabot palabas. Nang lingunin ko ang library, andoon sila. Ang guard na walang mukha at ang sunog na matandang nakabarong, tahimik na nagmamasid mula sa kadiliman.
Napansin kong may binubulong siya, hindi ko marinig ngunit naaaninag ko ang buka ng kaniyang bibig.
Si… No… A… Ko…?
Dala ng takot, ako’y kumaripas nang takbo. Nagmamadaling makalayo sa mga pigurang tumatagos ang lamig ng tingin sa aking mga buto.
Kinabukasan ay kinuwento ko ang mga nangyari sa aking kaibigan. Sadya raw mayroong nagpaparamdam sa archive hall sa library lalo na sa pagsapit ng dilim at ang tanging liwanag ay ang bilog na buwan.
“Ang sabi-sabi,” bulong niya, “may kuwento ang barong na iyon. Hindi raw talaga pag-aari ng tagapagtatag natin kundi ng isang lalaking kinalimutan ng kasaysayan. Siya daw ang totoong may-ari, at galit na galit siya sa paglimot sa kaniyang kuwento. Hindi natin alam kung sino siya… pero narito siya.”
Tahimik akong nakinig, ngunit sa likuran ng aking isipan, ako’y kinikilabutan. Naalala ko ang sinabi ng boses, “Hindi ako siya… ang kwento ko… hindi na maalala.”