Disclaimer – Ito ay hango sa tunay na pangyayari noong Disyembre 2022.
Hindi ito si Buddy at hindi rin ito ang nilalang sa Typing Room. Siya ay si Kaibigan, kung tutuusin, sa aking naging karanasan, higit pa ito sa mga gumagambalang nilalang. Dama ko ang masidhing pagnanasa nito sa buhay. Nais manguha at manakit ng tao, taong gaya ko na madali lapitan ng mga elemento.
Ito ang aking tunay na kwentong kababalaghan sa mga Balete ng Student Lounge.
Itago niyo na lang po ako sa pangalang “Laya”. Kasalukuyan akong 3rd Year CAFA student ng MSEUF Lucena. Nangyari ito noong 2nd year student palang ako. Inaantay yung kaibigan kong Psych na may 8:00 pm class sa AEC. ‘Di ko ba alam kung anong sumagi sa isip ko at do’n pa talaga ako pumuwesto sa upuang nakaikot sa Balete.
Wala na kasing mga tao sa loob ng student lounge, mas napapanglaw ako do’n lalo na’t may mga kwento na merong nag-mumulto na babaeng estudyante sa 2nd floor. Kaya napag-isipan ko rin na mas maganda pumuwesto sa bungad para mas madali makatakbo. Kala ko ligtas na ako, mapapalugar pa pala sa mas malalang sitwasyon.
Nag-brobrowse lang ako no’n sa socmed ko pampalipas ng oras, nababagot na rin kasi mag-8:30 pm na wala pa rin kaibigan ko. Mag-isa na lang ako, kaya natataranta na ako lalo kada minuto ang lumilipas, tapos idagdag mo pa yung halos mapunding ilaw doon, ang dilim-dilim na.
Sinilip ko selpon ko para makita kung may message na sa akin kaibigan ko. Wala pa rin. Mag-chachat na sana ako pero may tumawag bigla sa akin.
“Huy! Laya!”
Paglingon ko nasilayan ko’y isang pigurang anino ng aking kaibigan. Hindi ko na maaninag mukha niya at madilim na rin, doon siya nakapwesto malapit sa may banyuhay naglalakad na palapit sa akin. Tanda ko noon napamura ako’t naluwagan dibdib ko sa kaba. Pero sa kabila noon, nagtaka ako, bakit mag-isa lang siya? Madalas kasi marami siyang kasama pag-lalakad doon.
Nag-lakad na rin ako papalapit sa kanya, napansin ko biglang nag-iba lakad niya, para siyang nasasabik pag-lapit sa akin ngunit dahan-dahan at malalaki ang hakbang. Simula noon alam kong parang may mali na sa mga nangyayari. At nang malapit na kami mag-tagpo–
Ding!
Biglang may nag-notif sa phone ko. Napahinto ako saglit para tingnan at pakiramdam kong bumaliktad sikmura ko sa nabasa ko.
Nag-message sa akin ang kaibigan ko.
‘Pre, umuna na ako ha, sensya na di na aq nakapagpaalam saiyo nag-early out kami then nagkaroon ng emergency dito sa bahay,’
Kung gayon, sino itong nasa harapan ko ngayon? Itong nakatitig sa akin at nakatayo lang sa may hagdan.
Halos isang dipa lang layo namin kaya naaninag ko na mukha niya.
Tila nag-iba ang pigura niya. Parang tumangkad pa siya lalo at humaba ang kanyang mga bisig. Itim na itim ang kanyang mga mata’t balat at abot tenga ang mga ngiti niya. Nakakakilabot.
Napadasal ako sa takot umaasang lubayan ako ng nilalang na nasa harap ko. Pero ang malala-SINABAYAN PA AKO NITO!
Napapikit ako sa takot habang tinutuloy ang dasal ngunit di pa rin siya tumitigil, parang dalawa ang kanyang boses, matinis at malagom. Ang matindi nilalakasan pa niya ito at ramdam kong tumapat na ang nilalang sa tenga ko. ‘Di pa rin ako makagalaw.
“ABA GINOONG MARIA NAPUPUNO KA NG GRASYA, ANG PANGINOON AY SUMASAIYO! ANG PANGINOON AY SUMASAIYO! ANG PANGINOON AY SUMASAIYO!”
Palakas ito nang palakas, inuulit ang mga linya na iyon parang nagpapatunay na wala siyang kinatatakutan na Diyos at walang akong takas sa kanya.
Sa kabutihang palad, nagawa kong makatakbo, ngunit ‘di makasigaw ng tulong. Pakiramdam ko ay nawalan ako ng boses noong araw na y’on.
Maniwala ka ma’t sa hindi pero tunay ang lahat ng ito. Binasag ko na katahimikan ko dahil ‘di na mapanatag ang loob ko. Sa mga may kilala sa kanya, sa bawat mag-babasa nito, maaari kayo na ang kasunod. Sapagkat kinilala niyo si Kaibigan sa kwento ko. Sa bawat silid na papasukan ko, sa bawat silid na papasukan mo. Naririyan siya, nag-aabang sayo.
P.S. Wag mong hahayaan sa gabi na mag-isa ka lang sa Enverga.