Layout by Lorrein Luna and Yestin Kim | Drawing by Pat Noah Balce | Photo by Johann Sebastian Catalla

Mga Mukha sa Balete

Cyra Marielle Jael

November 4, 2024

Kasalukuyan akong nagpapahinga sa unang palapag ng Student Lounge. Halos nag-aagaw-dilim na, at madagim na rin ang kalangitan. Nakadantay ako sa mga upuan habang ang malamig na simoy ng hangin ay banayad na humahaplos sa aking balat.

Mula sa kalapit na puno ng balete, ang hangin ay tila bumubulong, may dalang misteryo at kakaibang pakiramdam na hindi ko maipaliwanag. Biyernes ngayon, at tahimik ang paligid. Tanging ang ilaw mula sa Student Lounge ang nagbibigay-liwanag sa buong kapaligiran.

Mukhang ako lang ang narito—sabagay, halos hanggang Huwebes lang naman ang klase ng karamihan, at nandito lang ako dahil hinihintay ko si Mac, kaklase ko sa Rizal.

Nakatanggap ako ng chat mula sa kaniya na nagsasabing may ibibigay siya sa akin at importante raw na makuha ko iyon—hindi naman niya nabanggit kung ano iyon kahit paulit-ulit ko siyang kinulit.

”Sol!”

Lumingon ako, at doon ko nakita si Mac—isang lalaking may matipuno ngunit payat na pangangatawan, kumakaripas siya ng takbo papalapit sa akin, na para bang hinahabol ng kung anong hindi ko mawari. Ang buhok niyang kulot ay patalon-talon sa hangin, at ang kaniyang karaniwang maputlang mukha ay siyang namumula dahil sa pagtakbo. Hingal na hingal siyang huminto sa aking harapan. Hindi maipinta ang kaniyang mukha, basang-basa ng pawis at nanginginig ang mga kamay; halatang hindi niya mapigilan ang pagkabalisa. Dahan-dahan siyang lumapit at walang imik na naupo sa aking tabi, parang may isang bagay o pangyayari na patuloy na bumabalik sa kaniyang isipan.

“Anong nangyari, Mac?” Tanong ko, may bahid ng pag-alala sa aking boses.

Umiling siya na tila nahimasmasan mula sa nararamdamang pagkabalisa.

 “May–may nakita ako,” bulong niyang sambit, at sa segundong iyon naroon na naman ang pakiramdam na tila mayroong nakikinig sa amin—ngunit kami lang namang dalawa ang naririto.

“Ha? Anong nakita mo?” Tanong ko sa kaniya kahit naguguluhan na ako.

Bumuntong-hininga siya, nangangatog ang katawan habang kagat-kagat ang labi, parang pilit nilalabanan ang takot. 

Lumingon siya sa puno ng balete, at sabi niya, “Iyong puno… may mga–nakaukit na-na–.” Paputol-putol ang kaniyang sinasabi at tahimik kaming nagkatinginan, habang ang malamig na hangin ay lalong bumigat sa paligid namin. 

“Sol?” Tinawag ako ni Mac.

“Mac, ano ba kasi ‘yon? Sige na, wag ka nang mag-alala, kung ano man ‘yan sinisigurado kong ako lang ang makakalam,” pag-alo ko sa kaniya.

“Tanda mo ba ‘yong kuwento sa atin ni Prof. Aldrich, yung tungkol sa missing cases ng mga estudyante sa school?” Giit niya.

“Oo naman. Sabi pa nga niya ‘di ba nakita naman sila sa CCTC na lumabas ng school, pero hindi na sila nagpakita. Ang sabi pa ni Sir, sindikato raw ang may pakana ng mga pagkawala.”

Tahimik siyang tumango, pero ang titig niya ay nanatiling nakatuon sa puno ng Balete. Sa mga sumunod na sandali, pakiramdam ko’y tila may presensyang hindi ko mawari na dumaan sa aming pagitan.

Sa kabila ng aming katahimikan ay tila nagsisigawan ang lahat ng bagay sa paligid. Ang hangin ay mas bumigat, at ang bawat paghinga ay nagiging mas mabagal, mas malamig, na para bang hinihigop ng isang bagay na hindi nakikita. Si Mac, nakayuko na ngayon, parang hindi makatingin nang diretso sa akin, pero alam kong may pilit siyang tinatago.

Hindi ako nakapagsalita sa narinig ko, ngunit ramdam ko ang pagbigat ng aking dibdib. 

“Mac,” pabulong kong sabi, “Ano ba kasi yun?”

Nagsimula siyang magsalita, bahagyang nanginginig pa rin, “Doon sa puno, Sol… may mga bagay na hindi dapat naroon.” Pinilit niyang ngumiti, pero bakas sa kaniyang mukha ang pangambang hindi niya mapigilan.

Napakunot-noo ako, hindi lubos maintindihan ang sinasabi niya, “Ano ang ibig mong sabihin?”

Nagbuntong-hininga siya, at sa mas mababang boses ay sinabing, “May mga nakaukit sa mga sanga, Sol… mga pangalan, pero hindi lang basta pangalan.”

“Bakit naman nakatatakot iyon?” Tanong ko, kahit na unti-unti na ring bumibigat ang aking pakiramdam.

Bigla siyang napayuko, halos bumubulong ang kaniyang mga salita, “Mga pangalan ng mga estudyanteng nawala, Sol. Sila ‘yong mga hindi na nakita—mula noon hanggang ngayon.” Natigilan ako sa narinig ko, hindi ko alam kung maniniwala ako sa sinasabi ni Mac.

Nagpaikot-ikot ang mga kuwento sa aking isipan, mga tsismis tungkol sa mga estudyanteng nawawala sa campus, mga naririnig ko lang sa aming mga guro. Noon, akala ko’y mga kuwentong kutsero lang ang lahat, mga bagay na walang katotohanan, ngunit ngayon, narito si Mac sa harap ko, at ang kanyang titig ay nagpaparamdam ng hindi maipaliwanag na kilabot.

Nagbalik sa isipan ko ang kuwento ni Prof. Aldrich tungkol sa mga nawawalang estudyante sa campus—isang kuwentong tinuring ko noon na alamat lamang.  Ang mga bulong-bulungan ng mga nakatatandang empleyado tungkol sa puno ng Balete, na itinanim noong mga unang taon ng campus. Sinasabing itinayo ito hindi lang bilang palamuti, kundi bilang tagapagbantay—isang uri ng “pintuan” para sa mga kaluluwang hindi natatahimik noong giyera. Naniniwala silang ang puno ng balete ay sumasalo ng enerhiya mula sa mga hindi natutupad na pangarap at pinipigilang pagsigaw ng mga naglaho nang walang paalam.

Ayon sa mga kuwento, may sumpa ang Balete, nangunguha ito ng mga estudyanteng may labis na pangarap, mga katanungan, o pagsubok na hindi nila natutupad. 

Pinaniniwalaan ding kaya nitong “tumawag” sa mga taong may hindi pa natatapos na pakay, at ang bawat pangalan o mukha na napupunta sa balete ay kaluluwa ng estudyanteng hindi na natagpuan pa.

Natutuluyan silang ikulong sa katawan ng puno, humihigop ng enerhiya mula sa kanilang pagdurusa, takot, at pangarap sa mga bagong estudyanteng madadala nito.

Pilit kong kinakalma ang sarili, “Sigurado ka bang pangalan nga ng mga nawawalang estudyante ‘yon?” Tanong ko, itinutulak ang takot palayo.

Tahimik siyang tumango, pero parang may bumabalot na anino sa aming paligid, isang uri ng takot na ngayon lang naranasan. 

Hindi ko mapigilang lumingon sa puno ng Balete na kanina pa nagpaparamdam sa akin ng misteryo. Inilabas ko ang aking cellphone upang buksan ang flashlight nito at doon ko napansin ang mga ukit na sinasabi niya.

Lumapit ako sa puno ng Baleteng nasa kalagitnaan ng pathway malapit Student Lounge. Malaki ang mga sanga nitong pumupulupot sa isa’t-isa habang halos kasing taas nito ang Student Lounge na siyang aking pinanggalingan, habang ang mga dahon nito’y hindi kaaya-aya tingnan dahil sa kulay nitong parang nabubulok. Sa bawat hakbang, tila bumibigat ang paligid, parang may nagmamasid mula sa likod ng bawat sanga at dahon. Nang tumitig ako sa mga ukit, sa unang tingin ay mga pangalan lang ang naroon—mga pangalan. 

Ang mga pangalan ay nakaukit nang iba-iba istilo, tila iba’t ibang kamay ang sumulat. May ilang pangalang bahagya na lamang mabasa, mga titik na parang pinabayaan na ng panahon—ang iba pa ay gasgas na at lumabo, sinakop na ng lumot at pagkabasa ng kahoy. May mga pangalang ang mga sulok ay malabo na, pahiwatig ng lumilipas na oras at nang mga nagdaang taon.

Ngunit sa mas matingkad na bahagi ng ukit, mga titik na pulang-pula ang kapansin-pansin, para bang may kakaibang galit o poot sa bawat letra. Ang mga ito ay mas malalalim, mas malinaw, parang bumaon sa puno at hindi basta-bastang mabubura. Nagmistulang dumudugo ang bawat titik, animo’y mga sugat na hindi naghihilom. 

Nanindig ang balahibo ko sa aking nabasa. 

Diana Melendez at Sean Perez??

Teka, mga pangalan ito ng mga estudyanteng minsan nang naibalita dito sa unibersidad at iniulat na nawawala sa mga lokal na news outlets.

Ngunit, bakit?

Para saan?? Hindi natapos ang mga katanungan at takot sa aking isip ngunit hindi pa rin nito natinig ang kagustuhan kong malaman at makita ang kung ano man ang sikreto ng Balete.

Hindi rin nawala ang pakiramdam na may mga matang hindi nakikita ngunit nagmamasid sa bawat kilos ko. 

“Mac, ito ba?” Pagtawag ko sa kaniya.

Nang lingunin ko si Mac, wala na siya sa tabi ko.

Nasaan siya? Parang imposible namang nawala siya nang ganoon kabilis—ang siyang namayaning katanungan sa aking isipan ngunit nanaig ang pagkamangha at takot sa bagong nadiskubre.

Pinagpatuloy ko na lamang ang pagmamasid sa mga nakaukit sa balete at habang pinagmamasdan ko nang mas mabuti, isang nakakikilabot na detalye ang sumalubong sa akin.

Hindi lang pala mga pangalan ang nakaukit. May mga mukha rin—nakakintal sa kahoy. Ang bawat mukha ay may kakaibang ekspresyon: may mga matang nakadilat nang husto, ang iba’y parang tumititig diretso sa akin na tila humihingi ng tulong o may nais iparating. Ang ilan ay mukhang galit, ang kanilang mga labi’y nakakunot at tila bumubulong ng mga hinaing na hindi naririnig. May mga mata ring tila namumugto, mga matang may lungkot at pangungulila. Mga matang nanlilisik sa mahinang ilaw ng aking cellphone. At ang mga pangalang pamilyar sakin kanina ay siya ring mga mukhang nakaukit sa puno. 

Ang bawat detalye sa kanilang mga mukha ay nakagigimbal. Mga labi na tila nakabuka’t mga dilang ‘sing haba yata ng necktie ko, mga pisnging uka-uka at mga matang nakaluwang  humihingi ng saklolo’t patuloy na nakatanaw kahit sa kawalan.

Hindi lang din mga mukha ang naroon. Ang mga kamay at paa, ay siyang bale-balentong at hindi na nakakabit sa katawan ng mga estudyante ay naka-ukit din. Masyadong totoo. Hindi matanggap ng aking utak ang nakikita.

Bakit tila’y para silang buhay, narito’t nagmamatyag. Ngunit hindi, matagal na silang nawala. 

Hindi ito maari.

Sinubukan kong ibuka ang aking bibig para sumigaw at humingi ng tulong, ngunit walang lumalabas na tinig mula rito.

Parang nilamon ng puno ang aking boses, binalot ng malamig na katahimikan.  

Nalaglag din sa sahig ang aking cellphone dahil sa panginginig.

Hindi ko na rin maigalaw ang katawan ko, bumibigat lamang ng bumibigat ang aking nadarama. Wari’y parang lumulubog sa isang kumunoy, at hinahatak ng isang daang kamay pababa. Tanging mata ko na lamang ang aking naigagalaw. Nagawi ito sa nakaukit sa ilalim ng isang makapal na sanga na halos kaharap ko lamang, nakaukit roon ang isang pangalan na agad na nagpatindig ng balahibo ko—ang pangalan ni Mac.

Nakapalibot ang mga mukha sa kaniyang pangalan, parang bantay na mga anino, habang ang kaniyang mukha ay dilat na dilat at hindi kumukurap, binabalot ng takot na siyang aking nadarama ngayon.

Kaya siguro nagparamdam si Mac, kaya niya ako dinala rito. Siguro may kailangan siyang tapusin—isang bagay na hindi niya magawa nang mag-isa. Tila sinadya niyang ipakita sa akin ang sumpa ng puno, upang mag-iwan ng babala.

Pilit kong nilabanan ang takot, ngunit bawat paghinga ay parang may humihigop ng lakas ko, nagpapalubog sa akin sa katahimikang malamig at nakakakilabot. Ang bawat mukha sa puno, kasama ang mukha ni Mac, ay nakatingin sa akin, mga matang puno ng pangungulila at takot, mga kaluluwang hinayaan nang mawala, nakagapos dito sa lugar na imposible na ang makakatakas.

Kaya pala… naiintindihan ko na.

Ako na pala ang susunod.

You might want to read…

Merry Crisis

Merry Crisis

When the Department of Trade and Industry (DTI) announced that ₱500 is “enough” for a family to celebrate Noche Buena, it did more than miscalculate a holiday budget—it exposed how easily the government expects Filipinos to shrink their expectations. The message came...

The Secret Inside Sunshine

The Secret Inside Sunshine

When the lights fade and Sunshine begins, we see a girl suspended in midair, a gymnast who is graceful and determined, the embodiment of youth in motion. Beneath her leaps and landings lies another heartbeat, one she never...