Lecture Room No.4

Bea Kathlin Sumilang

November 7, 2023

Nararamdaman mo rin ba iyon? Yung kakaibang presensya na parang may nakatitig sa iyo? Na hinihikayat kang lumingon patalikod?

Isa akong returning student mula sa CAFA, huminto sapagkat nagkaroon ng problemang usaping pera at ngayon ay nasa ikalawang taon na rin bago ko mapagpasiyahang bumalik. Masasabi kong mas maayos at payapa rin ang buhay kolehiyo ko ngayon, bagong kapaligiran, may mga bago at luma rin akong nakakasalamuhang propesor, at isa pa, bagong lugar. Hindi ko alam kung magpapasalamat ba ako at may bago at mas modernong gusali ang CAFA, hindi gaya ng dati. May mga ilang beses din naman na kinakailangan naming pumunta ng Main para doon mag-klase at sa tuwing mapapadpad ako sa parte ng CCMS ay laging may lamig na umaakbay sakin at kakaibang presensya na nagsasabing “Lumingon ka.”

Bumalik tayo sa taong 2015. Oo, huwag kayong magulantang sa edad ko bale ikatatlong shift ko na rin ng kurso at bumalik muli ako sa CAFA. Doon sa Lecture Room No. 4, madalas kaming sinuswerte kapag doon ang klase namin gawa na rin ng isa ito sa bilang na may aircon na classroom. Makikita mo rin ang nakapaskil sa unahan ng pinto na “SPEAK ONLY ENGLISH WHEN YOU ENTER THE ROOM” na pakana ng aming propesor ngunit kadalasang hindi naman sinusunod at pati na rin ang tagpi-tagping dyaryo na nakabalot sa bintana para sa ilang nude modelling sketch session para sa Figure Drawing.

Ang buong lecture room ay tinatawag ding “kabaong” sapagkat bukod sa may aircon ay masikip ang naging estruktura ng buong pasilyo. Isama na rin natin ang iba’t ibang saling-bibig na mga kababalaghan patungkol sa lugar—kesyo may nagpakamatay, may nagpaparamdam kuno na pinangungunahan na rin ng aming mga propesor. Para “raw” mas dama ang pag-kaklase sa LR04.

Pare-parehas lang naman ang daloy ng araw ko, maagap natapos ang klase at pwede maiwan ang estudyante para magtapos ng natitirang plates sapagkat ang LR04 lamang ang may drafting tables, isa na ako doon. Lima kaming naiwanan para maghabol ng gawain at isa-isa na ring nag-aalisan pagtapos na sila. Kinalaunan ay ako na lamang ang natitira.

Lunod ako sa aking earphones para ganahan na rin sa pagguhit. Hindi ko na rin namamalayan ang oras sapagkat taklob ng mga dyaryo ang liwanag mula sa labas.

Sa kalagitnaan ng aking paggawa ay biglang lumakas ang tugtog sa tenga ko na agad kong ikinatanggal. Huminga ako ng malalim at pinakinggan ang katahimikang bumabalot sa paligid kasabay ang mabigat na presensyang parang mayroong nakatitig.

Babalik na sana ako sa aking ginagawa nang biglang napundi ang ilaw.
Taranta akong nag-iimpake lalo na at may nahahagip ang pandinig kong mahinang hagikhik mula sa aking likuran.

At ramdam kong parang lumalapit ang presensyang malamig-lamig.

Ayoko sanang lumingon pa kaya’t lumayo na ako para abutin ang kamay ng pinto. Doon, aksidente akong napaharap.
“hik..” Nakangiti siya.

May pulang mga mata, mahabang buhok, nakasuot ng pambabaeng bestida at ang kanyang leeg ay nakabitin sa itaas ng pader.

Nagulantang ako at natigilan sa pagkilos—pati na rin sa pag-sigaw.

“…salamat lumingon ka,” mahinahon niyang sambit.

Sa pagkakataong ito, bumaba ang dugo ko sa katawan ko na nagdulot ng pagkahimatay ko. Huling bagay na nakita ko bago ako mawalan ng paningin ay ang kanyang mga mata nakamasid sa akin.

Nagising ako sa pagkaka-idlip mula sa mala-makatotohanang bangungot at kumaripas na rin paalis sa lugar bitbit ang aking mga gamit. Wala man lang sumaklolo sa akin. Ayoko man tumingin pabalik sa bintana pero sa dulo ng aking paningin ay pansin ko ang nanlilisik na pulang matang nakadungaw mula sa punit na dyaryo ng LR04.

Kinabukasan, pagpasok ko ng silid-aralan ay narinig ko ang pagbubulong-bulungan ng aking mga kaklase. Nagtataka kung bakit mayroong itim na bestidang pambabae na nakasilid sa aparador. Ikinalalim ng aking pag-iisip at mas ikinataranta ang bangungot ko lamang dito kahapon. Sa pagkabog ng aking dibdib ay ramdam ko ang pagkuha ng aking atensyon sa sulok ng silid—sa punit na dyaryo.
At nandun, may pulang mga matang nakatitig at nakangiti sa akin. Sa isipan ko, tatak pa rin sa isip ko ang nakakalibot na boses ng isang babaeng engkanto.

“Lumingon ka.”

You might want to read…

Crawling Filth of Juan Tamban

Crawling Filth of Juan Tamban

In many Filipino homes, a mother’s warmth is the light that embraces, while a father’s strength forms the walls that protect. But what happens when those walls harden into fists, and that light begins to flicker? Beneath the cold floors, something crawls in the house...

When love leave scars

When love leave scars

A bruise blooms like an ink stain on soft skin—dark at first, then fading to a shadow. But some wounds go deeper. Some settle into the bones, whispering their presence in moments of stillness. Peklat Cream, a hauntingly clever track by Bita and the Botflies, gives...

Ending Period Poverty, empowering Filipina students

Ending Period Poverty, empowering Filipina students

Despite ongoing efforts to promote gender equality, period poverty remains a major barrier to education for many young Filipinas. Period poverty refers to the lack of access to menstrual products, inadequate facilities, and the deep-seated stigma surrounding...