Sa dulo ng gusali ng departamentong CME, mayroong olympic sized swimming pool ang pamantasang MSEUF. Dito nagkaklase ang mga estudyante upang matutong lumangoy sa asignaturang Physical Education.
Ako si Mikko, nag-aaral sa Enverga at tuwing huwebes ay mayroon kaming klase sa PE ng alas-sais ng gabi hanggang alas-otso. Karamihan siguro ay natutuwa kapag ganito ang oras ng klase kapag ang subject ay swimming sa kadahilanang, para itong night swimming ng magkaklase, ngunit sa aking karanasan ay hindi.
Araw ng huwebes at naghahanda na kaming pumunta sa swimming pool ng enverga. Sumakay kami ng jeep at pumara sa gusali ng CME. Naisipan na lamang naming lakarin ito papasok at sa kalokohan ng aking mga kaklase ay nagkwentuhan pa sila ng katatakutan habang naglalakad papunta sa swimming pool.
“Pre, paano kung may nanghihila sa ilalim ng tubig mamaya?”
“Bakit pakiramdam ko may nakatingin sa atin?”
“Masyado pang maaga para diyan tol”
“HALA MAY GUMALAW DON TOL — AHH”
Habang nakikinig sa kanila ay ramdam ko ang lamig ng simoy ng hangin, hindi ko mapigilan na makaramdam ng takot sapagkat panlawin ako, ngunit tanging tawa lang ang ambag ko sa kanila. Pagdating namin doon ay nagbihis na kami ng panlangoy at ginawa ang pinapagawa sa amin ng aming propesor.
Matapos naming maisagawa ang kailangang gawin, pinaahon na kami kung kaya’t nag-angatan na ang lahat sa tubig upang magbanlaw at magbihis. Samantalang ako ay nagtagal muna sa tubig sapagkat alam kong punuan sa loob ng banyo. Dinadama ko ang ganda ng bituin habang ako ay nagpapalutang ng makaramdam ako ng kakaiba, na parang may nagmamasid sa akin kung kaya’t sa aking pagkabahala ay umahon na ako at sa pag-ahon ko sa tubig ay kusa akong napalingon sa madilim na bahagi ng swimming pool kung saan napapalibutan kami ng mga puno at bundok at doon nagtaasan ang aking balahibo at para akon naestatwa sa nakita – MAY ANINO
SA GILID NG PUNO!
Pinikit ko ang aking mga mata, nagbabakasakali na tao iyon na napadpad lang ngunit wala na siya doon sa kagubatan kaya nilibot ko ang aking paningin at napadako ito sa kaliwang bahagi at magubat na parte ng swimming pool – ang pwesto na malapit sa akin at naroon siya! – BUTAS ANG KANYANG TIYAN at puro dugo ang kanyang buong katawan at hindi mo makikita ang anumang laman-loob niya. Nakangiti siyang nakatitig sa akin, nakakakilabot, nakakapangamba. Tila hinihila ako ng mga titig at ngiti niya.
Tinatagan ko ang loob ko at sa pagtulo ng luha ko ay tumakbo ako sa CR ng mga lalaki ng hindi lumilingon at nagulantang sila sa itsura ko na pawisan at halata ang pagkatakot. Kahit nakarating ako roon ay pakiramdam ko na natutuwa siya sa nangyari sa akin. Hindi ako nakapag-banlaw at nagbihis na lamang. Iniwasan ko na mawala sa paningin nila kahit na binabatuhan na nila ako ng nagtatakang tingin hanggang uwian. Hanggang sa lumabas kami ay doon ko kinuwento ang nakita ko.
Hindi sila makapaniwala, at ang iba pa ay sinasabing guni-guni ko lamang iyon ngunit hindi ako nagkamali sa nakita ko! Hanggang ngayon ay pala-isipan pa rin sa akin kung sino iyon at hindi ako makatulog sa gabi sapagkat tuwing pagpikit ko, nagpapakita siya. Ramdam ko pa rin ang duguang titig at ang abot matang ngiti niya sa akin. Para kong natutuliro.. nababaliw.. na para bang sa susunod na magkita kami ay ako na ang susunod..