Nakahinga ng maluwag ang College of Criminal Justice and Criminology (CCJC) Cheetahs matapos maiuwi ang kanilang back-to-back championship title sa Intramural Games na idinaos ngayong taon.
Ayon kay CCJC Chairwoman Daniella Joya, kinabahan umano ang kanilang departamento sa una at ikalawang araw ng palaro ngunit patuloy silang naniwala sa kakayahan ng kanilang mga manlalaro.
“Noong first and second day, medyo kinabahan pero patuloy pa rin naman akong naniwala na kaya nung players namin kasi sobrang lakas ng suporta at tiwala namin. At saka nung training pa lang naman, nakikita na namin na committed naman sila sa laro kaya naniniwala kami na amin pa rin talaga ito,” saad ni Joya. “Kinabahan man pero amin pa rin talaga.”
Matatandaan na sa una at ikalawang araw ng palaro ay mabagal ang dating ng mga gintong medalya para sa Cheetas dahilan upang maungusan sila ng ibang departamento sa inilalabas na partial and unofficial medal tally.
Bumawi ang Cheetahs sa mga palarong isinagawa sa ikatlo at ikaapat na araw ng Intramural Games upang maitanghal na kampeon dahil sa pagkamada ng 60 gintong medalya, 24 na medalyang pilak, at 28 na medalyang tanso.
Pumangalawa sa Cheetahs ang College of Engineering Tigers na umangkin ng 23 na gintong medalya habang ang College of Education Jaguars naman ang itinanghal na ikatlong pwesto dahil sa kanilang 20 na gintong medalya.
Samantala, inaasahan pa rin umano ni Joya na sa kanilang departamento pa rin ang kampeonato sa Intramural Games ng Unibersidad sa susunod na taon.
“Next year siguro abangan niyo na lang pero naniniwala pa rin kami—amin pa rin sana, manifesting na sa amin pa rin,” ani Joya.
Ang pagkapanalo ng Cheetahs ay ang ikalawang pagkakataon ng kanilang departamento na Manalo sa paligsahan sa loob ng isang taon.