Photo by Cyra Jael.

Independent candidate, wagi sa pagkapangulo ng UCSC

Princess Nicolie Obias

September 22, 2025

Nagwagi si Yuan Rafael Hernandez, isang independent candidate, bilang pangulo ng University Collegiate Student Council (UCSC) ng MSEUF para sa A.Y. 2025-2026, batay sa proklamasyon ng University Student COMELEC (USCOMELEC) noong ika-18 ng Setyembre sa labas ng University Libraries.

Nakakuha si Hernandez ng 3,575 boto, na halos tatlong-kapat ng kabuuan ng voter turnout, habang si Radhakrishna Nicodemus ng Coalition for Advancement and Unity of the Students of Enverga (CAUSE) Party ay nakakuha ng 1,303 boto.

“Isa rin itong pag-asa para sa bawat Envergan na hindi natin kailangan ng partido para makatakbo … sana mas dumami pa ang tumakbo bilang independent candidates at magtiwala sila sa kanilang sarili at kani-kanilang mga plataporma,” pahayag ni Hernandez sa Presidential Interviews ng The Luzonian.

Dahil pagkapangulo lamang ang pinagtalunan ngayong eleksyon, pormal na idineklara ng USCOMELEC ang natitirang miyembro ng “Big Five” at ang mga college representative mula CAUSE bilang mga nagwagi sa kani-kanilang posisyon.

Nahalal bilang bise-presidente si Adrielle Joice Reyes, Michelle Claude Pureza bilang kalihim-heneral, Argybelle Francia bilang ingat-yaman, at Luis Narren Roxas bilang auditor.

Kabilang rin sa mga naiproklamang college representative mula CAUSE sina Denzel Jireh Escara (CCJC), Janna Angela Genosa (CNAHS), John Wyn Aldrei Estrella (CME), Geronimo Herrera (CEng), Riccy Gail Canlas (CEd), Jelliah Mhylz Parafina (CBA), at Ronald Vien Marcuz Naperi II (CCMS).

Samantala, diskwalipikado si Gio Francine Santos, kandidato ng CAUSE bilang CAS representative. Tumanggi ang USCOMELEC na isapubliko ang dahilan ng diskwalipikasyon, at wala pang inilalabas na anunsyo kung sino ang iluluklok sa nasabing posisyon.

Inaasahang manunumpa ang bagong hanay ng konseho sa Martes, Setyembre 23.

You might want to read…

Buhay sa Gatilyo ng Langis

Buhay sa Gatilyo ng Langis

"Puro estudyante pa ang sakay! Maawa naman kayo sa amin—regular na ang ibayad niyo!” Nabasag ang ugong ng makina ng jeep sa sigaw na ito ng tsuper. Bilang isang pasaherong anim na beses sumasakay ng jeep araw-araw para makapasok at makauwi mula sa aking internship,...