Isa. Dalawa. LIMA!
Lima pa, dalawa sa kanan tatlo sa kaliwa.
Mahuli sa pila’y s’yang kawawa
Pasaherong pahulihin, siyang laging taya.
Tumutulo ang pawis.
Kumakaripas.
Lumiliksi.
Nagmamadali akong lumundag sa dyip.
Walang pasaherong hindi mahahagip
Sa dalang sobreng kulubot at punit-punit.
Tangan ng maliliit, makalyo, at magaspang kong palad
Sobreng pula, may grasa, at malapad
Sampung sobre sa kanan, walo sa kaliwa
Tila akong multo sa pag-iwas ng mga tingin
Tumatagos ang tingin sa aking kaluluwa
Ngunit di alintana yaring mga gawa
Dahil nakasanayan na ng mura kong mga buto
At walang-muwang kong isip at pagkatao.
Isa…Dalawa…Lima
Bilang ‘yan ng perang nakolekta
Sa ilang oras na pamamalimos at pagsasahod ng palad
Na kahit isang masarap na pansit ay di malalasap
Limang buwan na rin mula nang nagsimula
mamigay ng sobre at mamalimos sa kalsada
Ibang-iba ang mga sobreng ito sa natanggap
Noong pinaalis kami sa tahanang ngayo’y hanap-hanap
Isa. Oras na naghanda bago tuluyang lisanin ang tahanan.
Dalawa. Taong gumiba sa aming pintuan.
Lima. Kawangis ng aking limang laruang sasakyan
Na siyang pumatag sa aming tahanang sinisinta
Lima. Iyan pa ang bilang ng pamilya ko noon.
Na bawat araw ay tila’y lumalaon
Dalawa. Buwan na hindi kami makakain.
Isa. Mag-isa na lang nakikipagsapalaran sa mundong ipinagkait sa akin.
Isa. Dalawa.Takbo.
Hindi ito ang aking ninais na mundo
Isa. Dalawa.Tulong.
Lima pulis and nakapalibot sa akin ngayon
Habang umaagos ang pulang likido
Sa mainit at maduming sahig
Hindi ako ang may kasalanan, ngunit bakit ako ang taya.