Ang pagpili ng isang lider ay parang pamimili sa grocery. Hindi puwedeng kuha lang nang kuha—kailangan suriin ang kalidad, tibay, at kung sulit ba ito sa halaga.
Kapag naging mapanuri ka sa pagpili, tiyak na sariwa at dekalidad ang produktong masusulit mo—gaya ng isang lider na mapagkakatiwalaan at makabubuti sa taumbayan.
Listahan ng Kailangan, Hindi Kagustuhan
Bago mamili, kailangan mong maghanda. Gumawa ng listahan ng kailangan, alamin kung ano ang kulang, at huwag magpadala sa “on-the-spot” na desisyon.
Unahin ang mahalaga o kailangan. Iwasan ang mga luho. Tandaan, malayo pa ang susunod na “sweldo”—o sa kaso ng eleksyon, matagal-tagal bago ang susunod na boto.
Matalinong Pamimili, Maayos na Pagpili
Maging mausisa. Piliin ang tama, kaya’t ugaliing manuri, magtanong, at mangialam.
Huwag ilagay ang hindi angkop sa kategorya. Huwag pagtabihin ang sabon at pagkain—sige ka, baka malason ka pa sa mababangong pangakong hindi naman makakain.
Sa pagpili ng prutas ay minsan mukhang hinog na ang labas, ngunit hilaw pa pala sa loob. Huwag basta sa anyo magtiwala; siguraduhing pangmatagalan na ang mga bibilhing paninda.
Huwag magpadala sa mga nakikita—hindi lahat ng maganda ang packaging ay maganda rin ang laman.
Kapag pipili ng brand ng produkto, tingnan mabuti ang label. Hindi dahil kilala ang brand ay maganda na ang kalidad. Minsan, mas sulit pa ang ‘di kilala pero matibay.
Gaya ng pagtingin sa expiration date at kalidad ng produkto, silipin din ang kanilang track record, bago ilagay sa iyong ”cart” ng tiwala.
Huwag magpapadala sa mapang-akit na disenyo at komersyal, baka ika’y mabiktima ng false advertising, tulad ng mga kandidatong sumasayaw o kumakanta lamang para makakuha ng boto.
Laging suriin ang nilalaman: napapanahon ba, kapaki-pakinabang ba, at totoo ba? Huwag magpapalason sa pangakong matagal nang inuulit.
At higit sa lahat, siguraduhin na walang butas ang sachet ng kanilang paninindigan. Hindi puwedeng bulok ang produkto.
Tandaan: ang pagpili ng lider ay hindi tulad ng pagkuha ng produkto dahil naka-sale. Hindi sapat ang “okay na.”
Walang Return Policy o Warranty
Hindi dahil tapos na ang pamimili ay itatapon mo na ang resibo. Ang pagluklok sa isang lider ay simula pa lamang.
Patuloy dapat na maging mapanuri sa mga nangyayari sa paligid.
‘Wag kakalimutan na sa huli, tayo rin ang kakain ng ating mga pinili.
Maaaring tayo rin ang magdusa o ang maging daan para sa kaginhawahan. Kaya’t piliin ang lider na may kakayahang magdala ng pagbabago at tumindig para sa kapakanan ng nakararami.
Ang maling pagpili ay parang pagbili ng mababang kalidad na produkto—ikaw din ang talo at maaaring magdala ng mas malaki pang problema.
Piliin ang tama. Piliin ang sariwa. Dahil ang bawat boto ay puwedeng magdala ng dalawang resulta: ginhawa o gulo.
Huwag masanay sa“okay na ‘to.” Piliin ang de-kalidad. Piliin ang karapatdapat.




