Inulan ng mahigit isang daang estudyante ang St. Bonaventure Student Center matapos idaos ng Honor Society of the Lambda Sigma ang Dedication Day: Honoring the Upheaval of Scholars and Student Leaders, Enero 23.
Pinangunahan ni Sigman Atty. Geoff Lyn D. San Agustin, panauhing pandangal, ang seminar tungkol sa pagiging isang iskolar at lider sa loob ng unibersidad.
Ayon kay San Agustin, maraming mga pagsubok ang darating sa buhay na siyang makapagbibigay lakas at tibay ng loob upang lumaban at magpursigi sa buhay para sa pangarap.
Ilan pa sa binigyang pansin ni San Agustin ay kung paano malalampasan ang mga hamon sa buhay.
Aniya, mahalaga na alam ng bawat estudyante ang kanilang prinsipyo, plano at pangarap sapagkat sa buhay hindi maiiwasan ang mga pagkakataong maglaan ng sakripisyo.
“It is my belief that being a good student is like being a good leader, and that they work hand in hand,” dagdag ni San Agustin.
Matapos ang seminar nagkaroon ng pagkilala sa mga estudyanteng iskolar at lider sa unibersidad kung saan ginawaran ang bawat mag-aaral ng medalya tanda ng kanilang sipag, tiyaga at dedikasyon.
“Thankful and exciting ang experience na mapabilang sa D-day and nakakataba ng puso na ma-acknowledge ng ibang organization ang effort at dedication mo as a college scholar and student leader.
Nagiging inspirasyon din yung mga ganitong awarding to continue doing your best as a student,” ani Zhyril Perez, isa sa mga scholar ng paaralan.
Ilan sa mga ginawaran ay ang mga University Scholars, College Scholars, Dean’s Lister, at Student Leaders mula sa iba’t ibang departamento at organisasyon na kanilang kinabibilangan.