Simula nang maghiwalay sina mama at papa
Laging ako na ang naglilinis ng bahay
Nawala ang nakabibinging sigawan
Ngunit naiwan ang kalat sa aming tahanan
Walang pinalagpas na araw sa mga taon
At tuluyan nga akong napagod sa pagwawalis
Paunti-unti, naging madumi ang aking kwarto
At napuno ng kalat sa bawat sulok
Paglipas ng mga araw ay siyang kasabay
Ang tila pagbilis ng takbo ng buhay
Napapagod na ang sarili sa paghabol
Sa hiningang tila ayaw nang magpahabol
Iniisip ko na sa tuwing makikitang
lumulubog ang araw
Ay kasabay na lulubog ang
Aking mga pangarap—ngunit makulimlim ang araw na iyon.
Naririnig ko sa labas ang ulan ngunit
Patuloy ang patak sa loob nitong tahanan
Inagos na ng baha ang mga kalat
Tuluyan nang lumuwag ang dating sikip na tuluyan.
Nang yumapak sa labas ng dating maruming tahana’y
Sumisilip na liwanag ang unti-unting kumukubli
Sa kulimlim ng tila walang hangganang kalangitan
Tumila na ang ulang akala ko’y hindi na magwawakas pa.