Naglabas ng opisyal na pahayag ang partidong Coalition for the Advancement and Unity of the Students of Enverga (CAUSE) matapos maibalitang diskwalipikasyon ng Transparency, Unity, Good Governance, Outstanding Service and Nurturing Leadership for Envergans (TUGON) Party ang nilalaman ng petisyon na kanilang inihain sa University Student Comelec (USComelec).
Kanina ay naibalitang diskwalipikasyon ang nilalaman ng petisyon ng CAUSE sapagkat naglabas ng pahayag ang TUGON na naghain daw umano ang kabilang partido ng petisyon para ipawalangbisa ang COC ng kanilang mga kandidato.
Sa kanilang pormal na pahayag sa isang Facebook post, nilinaw ng CAUSE Party na ang petisyong inihain ng kanilang partido ay hinggil sa pagtutol sa extension ng COC filing, taliwas sa balita na diskwalipikasyon ang nilalaman nito.
“Nais linawin ng CAUSE Party na hindi ito naghain ng disqualification case laban sa mga kandidato ng Tugon Party o kahit na sino mang kandidato.
Ang inihain ng CAUSE Party ay ang pagtutol nito sa pagpapalawig ng deadline para sa pag-file ng mga Certificate of Candidacy (COC) ng sinumang magsusumte ng COC na lampas sa itinakdang deadline ng COMELEC,” saad ng CAUSE Party sa kanilang opisyal na pahayag.
Sa kasalukuyan ay hindi pa nagbibigay ng pormal na pahayag ang USComelec ukol sa isyung ito.