Illustration by Cyra Jael.

Butas ng Skyflakes

Yestin Kim Roxas

November 11, 2025

Rinig sa buong bansa ang pag-iyak ng langit. Ang tubig ay umaakyat sa dingding, kumakapit sa aming mga tuhod. Sa bubong, kami’y nanginginig sa lamig. Si Tatay ay pilit na binubuhat si Lola, nanginginig ang mga braso, nangingintab sa putik at pawis. Ang bawat hakbang niya ay laban sa agos, bawat pag-angat parang pagtulak sa buong dagat. Nakapikit siya, kagat ang labi, at sa bawat ungol niya, parang may kasamang dasal na huwag siyang bibitaw.

“Sandali lang, Lola,” sabi niya, halos wala nang boses. Ngunit gutom na ang baha. Hindi tumitigil, hindi nakikinig.

Si Mama naman ay nakaluhod sa bubong kasama ko, basang-basa at nanginginig. Paulit-ulit siyang sumisigaw ng tulong, pero nilalamon ng hangin ang kanyang boses. Ang mga kamay niya ay nakataas, kumakapit sa ere na parang may mahuhuli—isang huling pag-asa sa kawalan. Ang luha at ulan ay naghalo sa kanyang mukha.

Wala akong magawa kundi pumulupot sa haligi ng bubong, kumakapit sa kamay ni Mama, pilit na pinipigil ang takot. Sa bawat galaw ni Tatay, gusto kong tumulong, pero parang nanigas ang katawan ko. Tanging ang mga mata ko lang ang kumikilos. Nakamasid kay Lola, kay Tatay, kay Mama, at sa tubig na patuloy na umaakyat.

Tumitindi ang ulan. Ang bubong ay gumigewang. Ang lamig ay parang mga karayom sa balat. Narinig ko si Tatay na sumigaw muli—hindi ko na marinig kung ano.

“Lola!” sigaw ko, pero sumabay ang kulog.

Isang hampas ng hangin. Isang silaw ng kidlat. KRAKKKK!

At bago tuluyang umikot ang lahat, huli kong nakita si Tatay na kausap si Mama. Pagkatapos noon, nagdilim.

KRAKKKK! KRAKKKK! KRAKKKK!

Pagmulat ko humina na ang hangin at lumingon sa paligid. Ang mga bahay ay parang mga kahong binuksan ng dagat. May mga sigaw, may mga pangalan, may mga dasal na nalulunod sa ulan.

Sa gitna ng baha, may kumikislap na maliit na bagay.

Isang pakete ng Skyflakes. Iyong binigay ko kahapon kay Lola.

“Para sa’yo, Lola, kapag gutom ka,” sabi ko noon habang nakangiti.

Ngayon, nakalutang na ito. Maraming dumi sa pakete pero kita pa rin ang mga butas sa biskwit. Maliit lang, pero parang may lumusot na puwang sa puso ko rin.

Parang…

Napalunok ako. Bakit nandito ‘to?

Dahan-dahan akong lumapit, halos gumapang sa bubong, nakatanaw sa tubig na unti-unting bumabagal ang agos.

At doon ko siya nakita.

Lumulutang. Tahimik. Ang buhok niyang kulay-abo ay nakalutang sa tubig, parang mga ugat ng punong naputol. Ang mukha niya’y payapa, parang natutulog sa gitna ng dilim.

Tumigil ang ulan, pero ramdam ko ang bigat ng bawat patak na bumagsak kanina.

Tumingin ako sa langit, pero wala nang liwanag. Ang tanging naiwan sa ibabaw ng tubig ay ang pakete ng Skyflakes. Maliit, payat, ngunit mas mabigat kaysa sa lahat ng nawala sa amin.

At doon ko lang naunawaan kung gaano kabigat ang isang bagay na gaano lang kababaw.

Si Lola.

You might want to read…

The Secret Inside Sunshine

The Secret Inside Sunshine

When the lights fade and Sunshine begins, we see a girl suspended in midair, a gymnast who is graceful and determined, the embodiment of youth in motion. Beneath her leaps and landings lies another heartbeat, one she never...