Tawagin n’yo na lang akong si Miyo, hindi ko tunay na pangalan. Bata pa lang ako ay alam ko nang kakaiba ako. Noong 2017, sunod-sunod ang mga paranormal na pangyayari sa buhay ko kaya minabuti ni Mama na magpa-albularyo.
Doon, nakita ng manggagamot na may dalawang engkantong nagbabantay sa akin. Pinaalis niya ito, ngunit parang mas malakas ang aking mga bantay kaya wala rin naman siyang nagawa.
Lumipas ang mga taon at bitbit ko na ang abilidad na pinahiram ng aking mga bantay, pero hindi ito ‘yong parang napapanood sa tv na kaya mong kontrolin—nangyayari na lang siya randomly.
Mayroon akong clairvoyance. Matagal bago ko malaman ang pasikot-sikot ng aking abilidad, pero nagagawa kong makakita ng mga bagay na hindi kayang makita ng normal na mata tulad ng mga kululuwa, demonyo, engkanto, aura at vision ng hinaharap.
Noong nag-aral ako sa Enverga, alam ko na agad na hitik ito sa spiritual energy. Nand’yan ang Gym, Banyuhay Bridge, ang mga balete sa may Student Lounge, pero ang mas nakapagpanindig ng aking balahibo ay ang AEC Little Theatre.
Isa akong alagad ng sining, aktor, at maraming beses na akong nagtanghal dito. Maraming beses na rin nang may sumamang ibang nilalang sa amin sa entablado para magtanghal.
Noong unang palabas ko rito, hindi ko malilimutan iyong babaeng burado ang mukha sa may dressing room. Ang tanda ko, magpapalit na sana ako ng damit para sa susunod kong labas hanggang sa nagpatulong akong magsuot ng polo sa babaeng nasa sulok ng dressing room. Akala ko kasamahan namin siya kaya akin siyang tinawag, ngunit hindi ito lumingon.
Sa pangalawang tawag ay nilingon ko na ito, hanggang sa ako ay nagulat dahil ang babaeng aking tinatawag ay burado ang mukha. Biglang nagbago ang temperatura sa loob at ramdam na ramdam ko ang bigat ng hangin sa paligid namin.
Kayumanggi ito at nakasuot ng puti ngunit putikan na bistida. Ang kaniyang buhok ay hanggang balikat lang. Nakapaa lang itong nakatayo sa sulok. Bagamat wala itong mata, ngunit parang makapapatay ang talim ng pagkakatitig nito sa akin.
Hanggang ngayon, tuwing maaalala ko ay kinikilabutan pa rin ako. Na-estatwa ako sa kinatatayuan ko noon, nanginginig ang aking mga tuhod, nagpapawis ang aking mga kamay at sobrang nanlalamig ang buo kong pagkatao.
Hindi ko na nagawang mag-isip pa o tumakbo dahil biglang may pumasok sa loob. Nilingon ko naman ang babae, at bigla na lang itong nawala. Sa isang iglap ay muling bumalik sa normal nitong temperatura ang silid. Nang akin siyang hanapin, nakita ko na lang siya sa may gitna ng entablado, tila nanonood din sa akin.
Ngunit hindi ito ang huling engkwentro ko sa mga artistang hindi nakikita sa AEC Little Theatre. Sa magkaparehas na taon ay nagkaroon ulit kami ng pagtatanghal dito. Ang palabas na ito ay may sa-engkanto rin, kaya’t hindi na nakapagtataka na naka-akit kami ng ibang nilalang.
Sa entablado, kita kong nadagdagan ang bilang ng mga aktor, mula sa siyam ay naging sampu sila. Mayroon ding sumasama sa amin tuwing pipila kami para pumasok sa isang eksena, pero ito ‘yong bagay na hindi mo pupuwedeng sabihin sa mga kasama mo habang nagtatanghal.
Ngunit sa lahat ng ito, ang kumuha ng aking atensyon ay ang batang nakadungaw sa kisame sa backstage, at gaya ng babae sa unang kuwento, wala rin itong mukha.
Direktang nakabaling ang kaniyang ulo sa mga aktor na nagpapahinga. Alam kong wala naman itong gagawing masama, ngunit nagulat na lang ako nang maya-maya ay nasa tabi na ito ng isa naming kasamahan at tila nakikipaglaro. Puti ito at kawangis ng mga taong nakabihis bilang engkanto, makulit ito.
Nang naramdaman siguro nitong nakatingin ako sa kaniya ay bigla na lang siyang nawala. Wala namang masamang enerhiya akong nararamdaman sa batang ito kaya hinayaan ko na lang din.
Kalimitan, ang mga “multo” ay parang buradong pisara ang mukha. Bibihira sa kanila iyong makikitaan mo ng facial features. Hindi ko rin alam ang prinsipyo sa likod nito. Ang alam ko lang, kapag dumating ang panahong naligaw ka sa backstage ng AEC Little Theatre ay mag-iingat ka. Marami sila.