Graphics by Cyra Jael.

Buhay sa Gatilyo ng Langis

John Leo Echevaria

March 17, 2026

“Puro estudyante pa ang sakay! Maawa naman kayo sa amin—regular na ang ibayad niyo!”

Nabasag ang ugong ng makina ng jeep sa sigaw na ito ng tsuper. Bilang isang pasaherong anim na beses sumasakay ng jeep araw-araw para makapasok at makauwi mula sa aking internship, nagpintig ang tainga ko. Batid ko ang batas. Malinaw ang karapatan naming mga estudyante sa diskwento sa pamasahe.

Ngunit sa sandaling iyon, pinili kong patahimikin ang aking katwiran. Paano ka nga naman magagalit sa taong nagmamakaawa?

Ang totoo, biktima lang din si manong tsuper. Biktima tayong lahat ng isang giyerang wala naman tayong kinalaman—ngunit tayo ang nagbabayad ng presyo.

Tila isang malupit na biro kung paanong ang laman ng ating bulsa ay nakadepende sa mga desisyong ginagawa libu-libong milya ang layo mula sa Pilipinas.

Ang umiinit na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos, Israel, at Iran—lalo na ang banta sa kalakalan ng langis sa Strait of Hormuz—ay hindi na lamang balita sa telebisyon. Isa na itong patalim na tahimik na humihiwa sa kabuhayan ng bawat Juan dela Cruz.

Dahil halos buong suplay ng krudo ng Pilipinas ay inaangkat mula sa ibang bansa, anumang pagyanig sa pandaigdigang merkado ay agad nating nararamdaman. Isang krisis lamang sa kabilang panig ng mundo, at ramdam na agad ang epekto nito sa ating mga kalsada.

Nakita natin ito ngayong linggo kung saan inaasahang aabot sa halos dalawampung piso ang kabuuang pagtaas ng presyo ng diesel. Ang bawat pagtaas sa pandaigdigang presyo ng langis ay diretso ring bumabagsak bilang dagdag pasanin sa mga tsuper at ordinaryong manggagawa.

Wala man tayong kinalaman sa mga alitang ito, tayo ang unang tinatamaan ng epekto—lalo na ang mga estudyante at ordinaryong pilipino na araw-araw nakikipagbuno sa trapik at mahabang biyahe.

Walang ugong ng tangke o putok ng baril sa ating mga kalsada. Ngunit ang tunog ng giyera rito ay ang kalansing ng mga baryang hindi sumasapat, ang malalim na buntong-hininga ng drayber na nagkukuwenta ng kulang na kita, at ang pagmamakaawa nilang isantabi muna ang batas at diskuwento para lang may maiuwing bigas.

“Para tayong pinapatay nito, eh,” bulong ng tsuper sa isa kong sinakyang jeep.

Ano nga ba ang panlaban natin? Sa ngayon, tila pilay ang pamahalaan sa harap ng dambuhalang krisis na ito.

Nariyan ang mga pangakong sapat ang suplay at usap-usapan ukol sa pamimigay ng subsidiya, ngunit bago pa man maaprubahan ang mga ito, baon na sa utang ang mga tsuper. 

Samantala, ang panukalang pagbabawas naman ng excise tax ay nananatiling malamig na talakayan sa loob ng Senado habang patuloy na pumapatak ang init sa kalsada. 

Ang planong bawasan ang araw ng trabaho? Tila isa itong pribilehiyong hindi abot ng mga arawang manggagawa at mga drayber na kailangang pumasada araw-araw upang may makain.

Puro tayo reaksyon, ngunit walang malinaw na direksyon. 

Hangga’t hindi tinutugunan ang ating labis na pag-asa sa inaangkat na langis at ang kakulangan sa maaasahang pampublikong transportasyon, mananatili tayong bulnerable sa bawat krisis sa pandaigdigang merkado.

Hindi natin alam kung hanggang kailan maglalaro ng apoy ang mga makapangyarihang bansa. Habang ang mga banyagang lider na ito ay nagdedesisyon sa loob ng kanilang ligtas at malalamig na tanggapan, ang bigat ng kanilang giyera ay ipinapasan sa mga drayber na natutuyot sa kalsada, sa mga estudyanteng said na ang baon bago pa man makarating ng unibersidad, at sa mga ordinaryong Pilipinong pilit pinagkakasya ang kakarampot na buhay.

Sa dulo ng lahat ng ito, hindi ang mga pangulo ng malalakas na bansa ang mag-aalala kung may ipapamasahe pa bukas.

Tayo iyon.

Tayong mga pasaherong nakabuhol ang kapalaran sa gatilyo ng langis.

You might want to read…

Merry Crisis

Merry Crisis

When the Department of Trade and Industry (DTI) announced that ₱500 is “enough” for a family to celebrate Noche Buena, it did more than miscalculate a holiday budget—it exposed how easily the government expects Filipinos to shrink their expectations. The message came...