Isa ito sa mga lumalarong tanong sa isip ko nang ako ay bago pa lamang sa building namin. Kung iisipin natin sa mas praktikal na rason ay baka naman dahil wala ng alloted budget para makapagpakabit ng salamin pero hindi sapat ang rason na ito.
El ang tawag sakin at ako’y isang 2nd year Fine Arts student sa Enverga. May third eye ako kaya, nakakakita ako madalas ng mga multo.
Nagsimula ito noong 2022 kung saan pwede na magf2f classes. May isang kurso kami na nakadestino ang klase sa 3rd floor ng CAFA building bandang 6pm. Nang umaakyat na kami papunta rito ay bigla akong napapasuka.
Ngunit ‘di ko na lang pinansin at dumiretso na lang din sa banyo kasama ang aking kaibigan na si LJ. Sinalubong kami ng masangsang na amoy na pinagtaka namin dahil walang bahid ng kung anong dumi sa CR. Agad namang umalis si LJ at nagpaalam na aantayin ako sa labas.
Nagpatuloy akong pumasok sa isang stall. Agarang tumindig ang aking mga balahibo nang nararamdaman kong may naghihintay sa labas ng stall. Hindi ‘to si LJ.
Hindi inaasahan, nagsara bigla ang pintuan kahit walang kahangin-hangin sa loob. Hindi ako makalabas agad. Tinatawag ko si LJ, ngunit walang sagot. Di ko na naisipang umihi pa dahil sa halo-halong nararamdaman.
Nakakasuka.
Maliit lang itong banyo ngunit nang nag-aakma akong lumabas dahil sa mga kutob ko.
Galit. Sama ng loob.
Nagmadali ako buksan ang pintuan nito. Pagkalabas ko, napatingin ako sa maitim na pigura na ang nakadungaw sa pangatlong stall. Ibig sabihin hindi lang pala ako nag-iisa sa restroom. May kumatok sa pinto. Bigla naman sumalubong sa akin si LJ na kasama na rin si Kuya Guard. Bakas sa mukha niya ang pagkatakot..
“Tagal mo sa banyo, kanina ko pa binubuksan itong pintuan pero naka-lock, buti biglang dumating si Kuya guard.”
Matagal? Saglit lang naman akong nag-cr?
“Kanina pa kitang tinatawagan, di mo ‘ko rinig?” Ika ko. Ramdam ko ang kabog ng puso ko at kinukumbinsi ang sarili na multo lang ang nakasama ko sa banyo.
“Walang sumasagot, nandito lang ako sa may labas pero wala akong marinig.” Pabalik niyang sinabi na may bakas ng pagtataka rin sa kanyang boses.
Shuta di lang to multo.
Agad naman napatawa si Kuya Guard na para bang sanay na siya.
“Nakilala niyo na pala ang bantay natin. Pagpasensiyahan niyo na, matagal na rin kasing walang mga tao rito sa floor na ‘to simula noong pandemic kaya nagiging territorial siya. “
Bantay? Hindi lang’ to bantay, masyadong mabigat ang awra na pinaparating nila para masabing mabuti ang kanilang intensiyon.
Gusto ko sanang sabihin ito ngunit tumango na lang ako.
“Tara na, late na tayo,” agad na sinabi ni LJ.
Hinila na niya ako papalayo sa banyo at nagpasalamat kay Kuya Guard. Bakas pa rin sa kanya ang pagkabalisa.
“Tikbalang,” bulong niya.
“Ano?”
“Nagbabalat-kayo na tikbalang. ‘Di yun si Kuya Guard.”
Napabaling ulit ako ng tingin sa may likod kung saan namin iniwan pero wala na siya. Imposible. Dapat rinig na namin ang kanyang mga yapak dahil tahimik lang ang hallway.
“Nakakaramdam din ako, alam ko kung tao o hindi ang nakakausap ko, parehas tayo. Kung ikaw multo, ako—” Sabi ni LJ ngunit napahinto siya na tila pinapakiramdaman niya ang paligid at agad niya tinapos, “—mga elemento.”
Bumaliktad ang sikmura ko. Kaya pala hindi ko makita kung ano man ang nakikipaglaro sa akin, hindi ko sakop sila.
Kaya pala agad na rin napalabas ang kaibigan ko. Hindi lang dahil sa amoy kundi dahil may nakikita na pala siya.
“Walang salamin sa CR diba?” tinandaan niya. Tumango ako habang di pa rin nahuhupa ang aking kaba at takot.
“Sabi sa’kin ng lola ko, kapag ang banyo walang salamin, proteksyon na raw yon sa mga nag-aabang sa kabila; Mirrors are a medium for otherworldly beings—mga lamang lupa at mga multo. Akala ko noong una, residual energies lang ng mga stress sa plates ang nagpapabigat ng aura rito sa CAFA building,” Napatingin siya sa akin na tila humihingi ng pasensya dahil naiwan niya ako mag-isa kanina..
Dagdag pa niya, “Kung meron man salamin noong oras na yon, baka nakuha ka na nila.”