Mga patay na tangkay ang nilalagpasan ni Tu-bo. Sa maputik na daan, katumbas nito ang maligalig niyang mga paa. Bantay niya ang huni ng mga ibon sa itaas. Habang hampas ng nagagalit na mga puno ang kumakatok sa kaniyang konsensya. Tumingala si Tu-bo sa kaniyang tanawin. Hindi niya maaninag ang tuktok ng Sierra Madre pero nagmamadali niya itong tinahak. Sa bawat hakbang, pintig ng kaniyang puso ang dumadagdag sa katahimikan.
Nang marating ni Tu-bo ang liwanag sa dulo, nakakikilabot na guhit-tagpuan ang sumalubong sa kaniya. Binalot ng mga katanungan ang nanginginig niyang katawan. Hindi maipaliwanag na damdamin ang dumidiin sa kaniyang sikmura.
Lumuhod siya sa nakita niyang tanawin. Ang pagtulo ng kaniyang luha ay umagos na nang tuluyan, kasabay nito ang pagtangay ng hangin sa huling himig ng kagubatan.
“Bakit… lagi na lang kaming inuubos?” bulong ni Tu-bo, habang tanaw ang bangkay ng kanilang kinabukasan sa bawat putol na puno.




