Hindi ko malilimutan ang araw ng kasal ko. Hindi umalis si mama sa tabi ko dahil alam n’ya ang kaba ko. Nanginginig ako habang nainom ng tubig, umaasang uhaw lang ang dahilan ng paninikip ng aking dibdib. Pero imbes na gumaan ang pakiramdam ko, halos malaglag ang baso nang maisip kong may mas matinding problema—wala sa bulsa ko ang singsing!
Pakiramdam ko’y biglang lumakas ang kabog ng dibdib ko. Bumilis ang pintig ng oras, at sa isang iglap, naramdaman ko na lang ang sarili kong lumalapit kay Mama, halos mangiyak-ngiyak.
“Mama, nawala ‘yung singsing!”
Hindi siya nag-panic. Sa halip, binigyan lang niya ako ng tingin na parang nagsasabing, “Anak, ayan ka nanaman”. At bago pa ako tuluyang himatayin sa kaba, biglang humaba ang kanyang nguso, itinuro ang isang sulok ng lamesa.
At doon, sa tabi ng panyong ibinigay niya sa akin, nakapatong ang singsing—parang hindi man lang nawala.
Nag-magic na naman si Mama, kahit sa araw ng kasal ko.
Hindi lang iyon ang unang beses. Kahit noong kukuha na ako ng pagsusulit upang maging ganap na inhinyero.Para akong si Dora kakalibot sa buong bahay para lamang hanapin ang lapis na pinabasbasan ko pa sa simbahan.
Hanap doon hanap dito. Punta ng kwarto, takbo ng kusina, sabay balik sa salas–pero wala talaga. Sa gitna ng aking paghahanap, napatingin ako bigla sa litrato namin ni mama. Napansin kong magkaiba nga ang hulma ng mukha namin mula sa mata hanggang sa labi.. Sabay balik ako sa reyalidad at ‘di na pinansin ang aming pagkakaiba. Ang mahalaga ngayon ay mahanap ko ang lapis ko.
“Mamaaaaa!” halos paiyak kong sigaw. Para akong batang inagawan ng laruan at ang tanging takbuhan ay ang kanyang ina.
Tulad ng laging eksena namin, dumating si Mama, nagmamadaling pumunta sa salas suot ang kanyang bulaklaking bestida. Nakakunot ang noo niya, halatang iniisip kung bakit bibig ang gamit ko sa paghahanap. Dahan-dahan siyang lumapit, ipinasok ang kamay sa bulsa ng damit ko… at inilabas ang nawawalang lapis.
Magic! Wala naman iyon doon kanina.
Ilang beses na rin nagmagic si mama noong estudyante pa lamang ako. Araw din iyon ng aming pagsusulit. Labis pa ang aking pananabik dahil may kumpyansa akong maipapasa ko ang asignaura na iyon— napapapadyak pa ang aking mga paa bago matulog dahil sa saya.
Pagdilat ng aking mata, sumalubong sa akin ang araw na mataas na sa langit. Halos mapatalon ako ng tiningnan ko ang orasan—alas-otso na! Biglang bumilis ang tibok ng puso ko dahil kalahating oras na lamang ay magsisimula na ang aming pagsusulit.
Para akong sinilaban, nagmamadali akong bumangon sa aking kama at nagkandarapang hanapin ang aking uniporme. Nagpabalik-balik na ako sa luma kong aparador upang hanapin ang maliit na puti kong uniporme—hindi ko pa rin mahanap!
“Mama! Hindi ko mahanap ‘yung damit ko.” Sumigaw na ako upang makinig ako ni mama at hanapin ang damit ko.
Nakakunot na ang noo ko at halos ‘di na mabasa ang mukha dahil mahuhuli na ako sa klase. Pagdating ni mama, inunat niya ang kanyang kamao at itinaas ang hintuturo. Pagbalik ng tingin ko sa aking aparador ay biglang lumitaw ang uniporme ko. Ang galing talaga ng magic ni mama—lagi n’ya akong sinasalba sa tuwing may mga bagay na hindi ko magawa at mahanap. Pero ang pinakamalupit na magic ni mama ay minahal n’ya ako ng walang pag-aalinlangan, kahit hindi kami magkadugo. Kaya pala kulot ang buhok n’ya at sa’kin ay hindi. Kaya pala magkaiba ang katangian ng mukha namin. Pero nagawa pa rin niya akong mahalin na para bang nagmula ako sa kaniyang sinapupunan.
Parang magic ang pagmamahal n’ya sa’kin— hindi maipaliwanag, nakakamangha, at laging bago.