Aba po Santa Lustitia,
Ina ng katarungan
Ikaw ang kabuhayan, pag-asa’t katamisan;
Sa aba ay walang kinikilingan
At sini-sino sa harap ng batas.
Ay Aba po Santa Lustitia,
Ilingon mo sa amin
Ang mga mata mong nakapiring,
Iyong ipagtanggol ang mga naapi
At iusig ang mga walanghiya.
Aba po Santa Lustitia,
Tinatawag ka namin
Ang pagtangis ng madla
Sa nag-aalab niyang pagkamatay
Dini sa bayang kahapis-hapis,
Bakit hinayaan mong tapakan na lamang nila
Ang bangkay ni Eba
Para magbigay daan sa iba.
Aba po Santa Lustitia,
Tila tumagilid ang iyong timbangan
At nabayaran na ang buhay ni Eba.
Pinatay na siya ng walang awa,
Pinatay muli siya ng sistema.
At pilit nilinis ang mantsa ng dugo
Sa uniporme ng kano.
Hindi pa napapagbayaran ang kasalanan
Ay pinatay muli si Eba ng ating Ama.
Aba po Santa Lustitia,
Kailan matatapos
Yaring pagpapasakit sa amin,
Walang danyos ang magpapagaan
Sa bigat ng nararamdaman
Ng isang Ina.
Aba po Santa Lustitia,
Kami ay muling maniningil;
Hindi salapi kundi ang nabigong hustisya para kay Eba.
O magiliw, mahabagin, Aba po Santa Lustitia.