Sa pula o sa puti,
Iisa lamang ang lahi,
Ngunit tila parehas nagtatalo
Nakailang kahig para sa iisang tuka
Nauuna pang dumilat kaysa sikat ng araw,
Ngunit sikmura’y nananatiling hungkag
Tila ba’y tayo rin ang nagtatanim ng mga sugat
Para sa pinamusay nilang mga butil ng bigas.
Tayo lang rin ang nag-aaway
Upang may panglaman sa kinabukasan,
Habang sa itaas ay may aninong nakangiti,
Tahimik na binibilang ang ating pagyuko’t pagkadapa.
Pinagbangga ang pawis laban sa pawis,
Pinagtabi ang galit na kapwa rin ang kapares,
Ngunit hindi na’tin napagtanto
Iisa ang lasa ng asin; sino nga ba ang kalaban natin?
Kay daling ituro ang kapwa dukha,
Kay hirap silipin ang nasa likod ng entablado,
Kung saan ang tali’y hawak ng mga di nakikita,
Habang tayo’y abala sa sariling pagkakagulo.
Sino nga ba ang kalaban ng manggagawang Pilipino?
Sino ang walang gawang maraming sweldo?
Ang nagbubuhat ng bigas sa ilalim ng araw
O mga nasa upuuang hindi naman gumagalaw
Pareho ang pagod, pareho ang pasa,
Ngunit magkaaway sa mumong pinaghatian,
Habang may mga busog sa likod ng dilim
Tahimik na nanonood sa ating kaguluhan.



