Nakalupagi sa sulok ng pighati
Nilalamon ng asul na mga sana
At umaalingawngaw na saklolo
Na tanging ako lamang ang ginugulo.
Sa bawat iginuguhit na linya
At mga binubuong arkitektura
Ay ang mahigpit na hawak ng kaniyang kaluluwa
Sa aking nagdadalamhating diwa
Sa pagkawala niya’y dulot ay hapis sa akin
Ngunit sino ang dapat sisihin?
Sino ang dapat managot?
Ako at ako pa rin
Melodiya niya’y walang katapusang lalim
Umaagos na pagsisisi at lagim
Sapagkat pinili itong lapis at panraya
Mula sa musika na aking minahal at saki’y nagpalaya
Ang kaluluwa ng aking naupos na alab
Ang patuloy na nang-gagambala
Humihingi ng isang pagkakataon,
Isang hustisya
Kung kaya’t baka naman maaari…
Sa susunod na buhay,
Kung may susunod na buhay
Kung maaari…