Layout by Lorrein Luna and Yestin Kim | Drawing by John Leo Echevaria | Photo by Fiorella Angelie Baldeo

Anino sa Gym

Lycamae Penarejo

November 7, 2024

Sa bawat sulok ng Enverga, may mga lugar na halos nakalimutan na—mga lugar na tinatakasan o sadyang iniiwasan ng karamihan. Isa na rito ang itaas ng backstage sa gym, lalo na kapag dumidilim ang paligid. Ang mga bintana sa itaas ay nababalot ng agiw at kalawang, mga salamin na tila walang nagmalasakit sa mga nakaraang taon. Ang mga dingding ay puno ng alikabok, ang mga sulok ay may mga lumang gamit na nakatambak at ang hangin ay may dulot na malamig na panginginig na tila nagsasabi ng mga nakatagong lihim. Dito sa madilim na lugar, may palaging nararamdaman… isang presensiya na hindi ko lubos maipaliwanag.

Minsan, sa kalagitnaan ng mga event o rehearsal, may mga pagkakataon na parang may aninong sumisilip sa gilid ng aking paningin mula sa bintana sa itaas ng backstage. Madalas kong ipagwalang-bahala iyon, iniisip na marahil ako’y pagod lamang o ‘di kaya ay guni-guni ko lang iyon. Ngunit habang tumatagal, mas lumalalim ang pagdududa ko, na para bang may nakakubli sa dilim.

Isang gabi habang kami ng Banyuhay Dance Troupe ay nag-eensayo para sa foundation week, napilitan akong mag-ayos ng mga gamit sa itaas ng backstage. Tahimik ang paligid, at ang tanging naririnig ko lang ay ang sarili kong mga yabag na humahaplos sa maruming sahig. Habang papalapit ako sa bintana, hindi ko maiwasang tumingin. Sa una, wala naman akong nakita. Ang salamin ay marumi, puno ng agiw, at may kalawang na sa mga gilid nito. Pero bigla akong nakaramdam ng kakaiba nang may mabilis na aninong lumusot sa kabila ng salamin. Kinilabutan ako, pero pilit kong pinakalma ang sarili ko. “Guni-guni lang,” bulong ko, ngunit ang takot ay tila nabuhay at hindi na iyon nawala sa isip ko.

Pagbalik ko sa grupo, ikinuwento ko ang nakita ko. Napatawa lang sila, pero alam kong hindi iyon ang unang beses na may nakaramdam ng ganito. Marami sa amin ang nagsasabing parang may matang nakamasid sa lugar na iyon, kahit walang tao. Ang mga sulyap na iyon ay parang aninong hindi maipaliwanag—mabilis, ngunit malinaw kapag nakikita.

Dumating ang gabi ng aming pagtatanghal. Lahat kami ay abala, ang mga costume ay kargado ng mga magagandang disenyo, at ang musika ay umaawit sa hangin. Ngunit sa gitna ng aming sayaw, biglang may hiyawan mula sa audience. Si Liza, isa sa mga nanonood, ay tumayo at tinuro ang bintana sa itaas. “May nakasilip sa bintana!” sigaw niya, ang kanyang mga mata ay pumasok sa isang takot na parang nagmamadali siyang ipakita ang kanyang nakita.

Napalingon kami lahat, at doon sa bintana, nakita ko ang anino ng isang babae. Ang kanyang katawan ay matangkad, ang buhok ay mahaba at naglalaro sa hangin, ngunit ang kanyang mga mata—mga itim na butas na tila hinuhukay ang aming mga kaluluwa—ay nakatuon sa amin. Ang mga mata niyang iyon ay puno ng katanungan, tila may hinahanap na nawawala sa kanyang mundo. Ang kanyang ngiti ay malamig at mapanukso, na para bang may nakatagong lihim sa likod ng kanyang presensya. Nang kumurap ako, nawala na siya.

Pagkatapos ng insidente, wala nang sinuman sa amin ang gustong umakyat sa itaas ng backstage. Sinasabi nilang ang babae ay maaaring isa sa mga estudyanteng hindi natupad ang pangarap, na ang kanyang kaluluwa ay nananatili rito, nag-aabang. Hanggang ngayon, tuwing may event sa gym, may ilan sa amin na hindi mapakali. Hindi dahil sa ingay ng pagtatanghal, kundi dahil sa presensiyang tila nakamasid mula sa itaas, tahimik na naghihintay… at nagmamasid. Sa hangin, may mga bulong na umaabot mula sa madilim na sulok, pinupuno ang silid ng takot at pagdududa.

Sa gym ng Enverga, hindi mo alam kung sino talaga ang nanonood sa ‘yo. 

You might want to read…

Crawling Filth of Juan Tamban

Crawling Filth of Juan Tamban

In many Filipino homes, a mother’s warmth is the light that embraces, while a father’s strength forms the walls that protect. But what happens when those walls harden into fists, and that light begins to flicker? Beneath the cold floors, something crawls in the house...

When love leave scars

When love leave scars

A bruise blooms like an ink stain on soft skin—dark at first, then fading to a shadow. But some wounds go deeper. Some settle into the bones, whispering their presence in moments of stillness. Peklat Cream, a hauntingly clever track by Bita and the Botflies, gives...

Ending Period Poverty, empowering Filipina students

Ending Period Poverty, empowering Filipina students

Despite ongoing efforts to promote gender equality, period poverty remains a major barrier to education for many young Filipinas. Period poverty refers to the lack of access to menstrual products, inadequate facilities, and the deep-seated stigma surrounding...