Layout by Lorrein Luna and Yestin Kim | Drawing by John Leo Echevaria | Photo by Fiorella Angelie Baldeo

Babaeng walang mukha

Lycamae Penarejo

November 6, 2024

Ang CCJC Building ay bago pa lang. Makinis ang mga pader, halos nagliliwanag ang mga salamin, at ang bawat sulok ay amoy ng bagong pintura at kinang ng kaunlaran. Ngunit may isang bagay na parang nakatago sa likod ng kinang nito, isang bigat sa hangin na hindi maipaliwanag. Lalo na sa tuwing papasok ako sa silid 207, para bang may malamig na puwersang bumabalot sa akin.

Gabi iyon, huling klase, “University and I” ang subject, at lagpas alas-otso na rin. Ang ilang mga kaklase ko’y medyo bumabagsak na ang mga ulo sa antok, ang iba naman ay tahimik na nagdu-doodles sa notebook. Ako, nakapako ang tingin sa propesor, sinusubukan na lamang tapusin ang oras.

Bigla na lang pumatay-sindi ang ilaw. Una kong naisip, baka nagka-short circuit lang—bagong building, baka may minor glitch. Ngunit habang bumabalik-balik ang liwanag, may napansin akong kakaiba. Para bang mas bumibigat ang hangin sa bawat patay-sindi ng ilaw, at unti-unting tumitindi ang lamig na nanggagaling sa aircon. Sa bawat galaw ko, parang may mga matang nakatingin mula sa dilim.

“Teka lang,” sabi ng propesor, nakatitig sa ilaw na bumubulong ng liwanag at dilim. Tumahimik kaming lahat, nag-aabang sa susunod na mangyayari.

Kasabay ng pagdilim ng silid, naramdaman kong unti-unting kumakaluskos ang mga bangko sa paligid ko. Sa gilid ng aking paningin, napansin ko ang upuan sa likuran, tila may ‘di nakikitang kamay na marahang humihila rito. Napatingin ako nang hindi sinasadya, at nadama ko rin ang kaba sa mga mukha ng iba kong kaklase. May mga nagtatawanan, pero hindi ko magawang tumawa dahil habang lumalakas ang kaluskos ng mga bangko, lalo namang lumalabo at nagiging hindi maipaliwanag ang mga pangyayari. Parang may mabibigat na yapak na papalapit nang papalapit.

Sisinghap ako nang maramdaman ko ang malamig na hangin na humaplos sa aking likuran, para bang may dumaan na hindi ko nakikita. Sa katahimikan, may narinig akong mabagal na pagtawa—isang mahina ngunit mabigat na boses mula sa isang sulok ng silid. Halos hindi ko marinig, ngunit sapat para magpatayo ng balahibo. Napalingon kami lahat sa direksyon ng tunog, pero wala akong makita. Walang sinuman doon, ngunit ramdam ko ang bigat ng presensyang nakatayo roon.

“Baka prank lang ‘to,” bulong ng isang kaklase ko. Tumawa ako nang pilit, pero hindi nito nabawasan ang bigat ng takot sa dibdib ko.

Ang pagpatay-sindi ng ilaw ay tumigil, at dahan-dahan kaming binalot ng ganap na dilim. Bawat hakbang kong papalayo mula sa upuan ay parang may puwersang pumipigil sa akin. Parang lahat ng galaw namin ay kinokontrol ng isang bagay na hindi ko maipaliwanag. Pilit kong hinihila ang mga paa ko, ngunit para akong nakalubog sa yelo nagpapangatog sa akin sa takot kaya’t hindi makaalis.

Biglang nagbukas ang pinto sa harap ng silid, ngunit walang pumasok. Kasabay nito, may malamig na hininga namang dumaan sa batok ko, na para bang may dumadaan sa gilid ko. 

Hindi ako nakahinga; napakapit ako sa mesa, pinipilit na huwag kumilos. Doon, sa sulok ng silid, may narinig kaming mahinang pagtawa—isang malamig at basag na tunog na unti-unting lumalakas kasabay ng paglinaw ng pigura ng isang babae. Nakalugay ang kaniyang buhok, duguan ang kaniyang suot, at kahit wala siyang mata, ramdam ko na nakatitig siya sa amin, bawat isa, parang hinahanap ang isang bagay… o isang tao.

Isang saglit lang iyon, ngunit pakiramdam ko’y oras ang itinagal. Napatigil sa pag-alog ang mga bangko, at biglang bumalik ang ilaw sa silid. Nakatitig kaming lahat, walang kumikilos, walang umiimik. Parang nawala ang lahat ng lakas sa katawan ko, at ang puso ko’y kumakaripas sa kaba.

Nagising kami sa pagkakatulala nang pumasok ang well-care, nakangiti habang sinasabi, “Ayos lang ba kayo rito? Akala ko tulog na kayong lahat.”

Hindi ko maipaliwanag, pero ang ngiti niya ay tila may alam sa isang bagay na kami lamang ang nakakaintindi. Nagmadali akong lumabas, at sa bawat yapak kong papalayo, palakas nang palakas ang kabog ng puso ko. 

Hindi na ako babalik sa silid 207.

You might want to read…

The “cost” of microcredentials

The “cost” of microcredentials

At the Manuel S. Enverga University Foundation (MSEUF), education is becoming an expanding expense as instruction is outsourced to overpriced modules. Hundreds of students, particularly in the College of Computing and Multimedia Studies and the College of Engineering,...

The Day After I Graduated

The Day After I Graduated

Sunlight brushed softly against my cheek. I opened my eyes, smiled, and finally exhaled—for the first time in four years, I woke up without the weight of deadlines pressing on my chest. I lay there for a while—staring at the ceiling, noticing cobwebs in the...

They Were Sweet

They Were Sweet

I think I saw it before anyone else did—the way he looked at her,with soft eyes and sweet smiles,like every moment with herwas a scene from a movie. It started small:a glance that lingered a second too long,an inside joke that made them both blush.Eventually, everyone...