Layout by Lorrein Luna and Yestin Kim | Drawing by Florian San Juan | Photo by Daniel Calusin

Upuan

Bea Kathlin Sumilang

November 6, 2024

Alam ninyo bang may pamahiin na sa pagsapit ng gabi ay dapat nakasuksok ang inyong mga upuan o hindi kaya ay may mga nakapatong dito para hindi upuan ng mga kakaibang nilalang?

Para sa mga engineering student, delubyo na ang pagpatak ng ala-otso, e’ paano pa kaya kung may klase ka pa ng hanggang alas otso y media? Bukod sa wala ng jeep, halos wala ka na ring makikitang mga estudyanteng nagkakalatan sa bawat sulok ng unibersidad ng Enverga, kung kaya’t kaunti na lamang ay isumpa mo na ang prof mo na overtime palagi. 

Hindi alintanang nakapapanglaw sa itaas na parte ng mga silid na katabi ng CAS faculty room. Parang makarinig ka lamang ng kaunting kalabog ay mapapakaripas ka nang takbo o hindi kaya ay kung magkakaroon man ng gulo ay ang layo pa ng tatakbuhin bago sumapit sa Gate 3, tiyak naabutan ka na ng kung sino mang humahabol sa iyo. 

Maiba tayo, last subject na kay Sir, marami na ang mga nagtutumbahang ulo sa antok at mga katawang pagod mula sa pang-umagang klase, isabay pa ang hele ng overtime lecture. Kung kaya’t ang pinakamaayos na upuan upang hindi mahuhuling napapaidlip ay sa parteng likuran. Swerte na lang talaga kung marami kayong magkakaklase, kasi kahit papaano ay maingay-ingay pa, kaso paano na lamang kaming 11 lang? 

Sa silid na ito ay patay ang dalawang ilaw at ang tanging lumiliwanag lang ay ang projector at ang tanging maririnig lamang ay ang umaalingawngaw na malagom na boses ni Sir habang ang ilan sa mga estudyante ay tahimik na. Ako namang nasa hulihan ay iidlip na lang, lalo na’t mayroon pang 45 minutong nalalabi sa klaseng ito. 

Sa aking mababaw na paghimbing ay nanunuot ang malamig na hangin ng aircon, napapangiti na lamang ako sa sarap ng pakiramdam. Ngunit, bago pa lumalim ang aking pagtulog ay nakarinig ako ng pagsigaw ng pangalan. Napa-igtad kasi akin ang pangalang binigkas niya. Napaayos ako ng upo at pilit ibinabalik ang sarili sa wisyo kasi baka nahuli na ako ni Sir. Subalit, nanlumo bigla ang aking mga paa sapagkat ako na lamang ang nasa silid. 

Patay ang ilaw, kandado ang mga pinto, at parang lumalayo ang paligid lalo na at ako ay nakaupo sa pinakadulo. 

Sumapi rin sa akin ang inis sapagkat hindi magandang biro kung hinayaan nila akong matulog at iwanan. Subalit, sa nais kong kumawala sa pagkakaupo ay pilit pinipigilan ng upuan ang aking pagtayo. Parang hinihila nito ako para manatili. Lumalamig na ang aking mga paa at ramdam ko na ang malamig na pawis na tumatagaktak sa aking noo. 

Nakapanlulumo at narinig ko ulit ang aking pangalang ibinubulong sa gawing kaliwa. Matinis at animo’y sa bawat bigkas ay kumikiliti sa aking tainga ang kaniyang boses, udyok para mabalisa ako sa pagkakaupo.

“Hindi ito totoo,” ipinapaniwala ko sa sarili. 

Unti-unti akong lumingon habang alam kong rinig ng aking katabi ang kabog ng pusong parang gustong makawala dahil sa takot at kaba. Sa aking paglingon, napalunok ako sa aking nasindakan. 

Sa paglaki ng aking mga mata ay sabay na panlalaki rin ng sa kaniya, “Diyos ko po!” 

Nakaupo, gulo ang buhok ngunit nakahawi para maipakita ang mata niyang umiiyak ng dugo ngunit tila may malawak na ngiting galak na galak yata akong makita. Bukod pa rito, naka-uniporme siya ng pambabae habang minamanmanan nang maigi ang aking mga mata. 

Sa takot ay ipinikit ko ang aking mga mata, gusto kong hawakan ang aking dibdib para matakluban ang ingay na nagbabakasakaling naririnig ng aparisyon, subalit hindi makayanan at paralisang lumpo ang aking buong katawan. 

“Lubayan mo ako!” Pagpupumilit kong isinisigaw sa isipan na baka malaman niya. Pero alam ko, ramdam ko, kahit sa malamig na aircon ay nangingibabaw ang presensyang ibinibigay nito. 

Mas tumindig ang aking balahibo sa kaniyang huling ibinigkas. 

“Katabi mo lang lagi ako…”

Ilang segundo na lamang ay unti-unti akong narinig ang pangalan ko at nang tuluyang bumalik sa sintido ay galing pala sa mga kaklase ko. Nakatatawang pakinggan pero nakatulog lang daw pala ako at kanina pa nila ako ginigising sapagkat magro-roll call ng attendance daw si Sir bago kami umuwi. Biruin mo nga naman, parang makatotohanan iyong kathang-isip na dulot ng pagod at puyat. Ebidensya na rin itong pagpunas ko ng pawis kahit kagagaling lamang din sa silid. 

Nagsiuwian na kami at ako ang huling lumabas ng silid, hindi pa rin mawalay sa aking isipan ang mukha ng babaeng nakaupo sa aking tabi. Hindi ako ‘yong tipong mabilis mapaniwala kahit sa ganon pero kakaiba ang takot na idinulot ng karanasang ito. Nakakapagpasigurado sa aking  hindi na ako muling uupo pa roon. 

Pagdating ko sa apartment ay humimlay na ako sa aking kama, nagbabaka-sakaling mapawi ang takot na dulot ng bangungot kanina. Dagdag kaba na rin siguro at mag-isa lamang din ako rito sa apat na sulok. Sa aking pagpikit, imbis na maramdaman ang payapang pahinga ay bumalik ang takot nang makarinig ako ng kaluskos. 

Hindi lamang natapos sa kaluskos dahil naramdaman ko ang mainit na pagdampi ng presensya ng kung sino man sa aking braso. Animo’y hawak ng isang tao. Ayaw kong imulat ang aking mga mata at ayaw kong malaman ng kung sino mang ito ang aking takot. 

Maya-maya ay sumunod ang mahihinang bulong na agad ikinamulat ko. Hindi na ito normal. 

‘Di gaya kanina na hindi ako makagalaw, ngayon ay ramdam ko ang aking bawat kibo. Sabay hinalungkat ng tingin ang paligid para makita ang alam kong aparisyong nandoon din sa aking bangungot.

Hindi ko maintindihan, bakit ako pa ang sinundan niya? Bakit sa akin pa siya nagpapakita at nagpaparamdam? Ano bang dahilan niya? 

Nang hindi makita ay bahagyang nakampante ang aking puso. 

“Nandito ako,” bulong mula sa dilim at ramdam dito ang kaniyang kagalakan.

Sa madilim na sulok, doon sa may lamesang kaunting hakbang lamang malapit sa aking kama, may upuang nakaharap sa akin. 

Wala dapat nandoon sapagkat mag-isa lamang ako sa silid. 

Ngunit…

May nakaupo. 

May nakaupong babaeng may malawak na ngiti at lumuluhang mata.

“Nandito lang ako…” paulit-ulit niyang sinasambit sa akin. 

“—susundan kita.”

Mag-ingat ka at baka ikaw na ang kasunod niyang sundan.

You might want to read…

Crawling Filth of Juan Tamban

Crawling Filth of Juan Tamban

In many Filipino homes, a mother’s warmth is the light that embraces, while a father’s strength forms the walls that protect. But what happens when those walls harden into fists, and that light begins to flicker? Beneath the cold floors, something crawls in the house...

When love leave scars

When love leave scars

A bruise blooms like an ink stain on soft skin—dark at first, then fading to a shadow. But some wounds go deeper. Some settle into the bones, whispering their presence in moments of stillness. Peklat Cream, a hauntingly clever track by Bita and the Botflies, gives...

Ending Period Poverty, empowering Filipina students

Ending Period Poverty, empowering Filipina students

Despite ongoing efforts to promote gender equality, period poverty remains a major barrier to education for many young Filipinas. Period poverty refers to the lack of access to menstrual products, inadequate facilities, and the deep-seated stigma surrounding...