Layout by Lorrein Luna and Yestin Kim | Drawing by John Leo Echevaria | Photo by Daniel Calusin

RETDEM

The Luzonian

November 6, 2024

Biyernes, ika-18 ng Oktubre sa kasalukuyang taon. Masama ang aking pakiramdam, dahil marahil sa nakapangangatog na lamig sa loob ng aming silid sa CNAHS. Nagpasya akong lumabas upang makalanghap ng mainit at sariwang hangin. 

Habang nasa labas, naisipan ko na ring pumunta sa banyo. Mapayapa akong naglalakad hanggang sa makarating sa pinakadulong cubicle ng mga babae kung saan ko nakasanayang pumunta at gamitin. 

Habang nasa tapat ako ng pinto, nakarinig ako ng boses na bumubulong sa loob ng cubicle—maliit at matinis na boses na tila Ingles ang iniimik. Nilapit ko ang tenga ko sa mismong pader. “Hello, my name is… and I’m a nursing student. Today, I will be performing an IV insertion,” inisip ko na mayroong tao sa loob na nag-eensayo ng return demonstration. Kaya’t nagpasya akong pumasok na lamang sa katabing cubicle.

Nasa loob lamang ako ng cubicle habang nakaharap sa pinto dahil nais ko nga lamang na lumanghap ng mainit na hangin upang paginhawain ang aking pakiramdam. 

Ilang segundo ang lumipas, napansin ko na tumigil ang paulit-ulit na bulong sa kabilang cubicle. “Ay nahiya ata siya,” sabi ko sa aking isipan habang nasa loob pa rin ng cubicle at hinihintay siyang magpatuloy.

‘Di nagtagal ay naisipan ko rin na lumabas na lamang ng cubicle dahil baka nga nahihiya siya sa akin. Naghugas ako ng kamay sa lababo. Habang nananalamin ay katakatakang wala pa rin akong naririnig na kahit kaunting kaluskos sa dulong pinto. 

Bigla akong nakaramdam ng gumagapang na kilabot sa aking katawan—agaran kong itinulak ang bawat pinto ng mga cubicle at laking pagtataka ko nang mapagtantong walang tao sa loob ng mga ito.

Napatigil ako dahil sa takot, tiyak akong mayroon akong naririnig na nagsasalita sa loob kanina pero bakit ako lang magisa dito? Saan nanggaling ang tinig na iyon? Dali-dali akong lumabas at bumalik sa aming silid. Nakatulalang nakaupo ako, naguguluhan sa aking nakakapangilabot na karanasan. Tanging ang malakas na kalabog ng aking puso ang lumamon sa ingay ng paligid, at namumuo ang malamig na pawis sa aking mukha. Pilit kong ipinagkibit-balikat ang aking naranasan at nakinig na lamang sa aming guro.

Maya-maya ay ikinuwento ko ang nangyari sa aking kaklase. Parehong pangyayari, parehong araw, parehong oras at parehong tinig. Ito ang ikinuwento sa akin ng aking kaklase na naranasan rin niya sa banyo ng mga lalaki. “Parang nagre-RETDEM” ika ng kaklase ko, ngunit wala rin siyang nadatnan na kahit sino. Ngayon, naunawaan ko na kung bakit walang napunta sa oras at lugar na ito dahil sa kumakalat na kababalaghan.

Ayaw ko sanang maniwala dahil hindi pa ako nakararanas ng ganito sa talambuhay ko. Isasawalang bahala ko na lang sana ang naranasan ko ngunit bakit nagtagpo ang aming kuwento?  Ano ang kuwento ng estudyanteng ito? Gaano na ba siya katagal dito?

You might want to read…

The “cost” of microcredentials

The “cost” of microcredentials

At the Manuel S. Enverga University Foundation (MSEUF), education is becoming an expanding expense as instruction is outsourced to overpriced modules. Hundreds of students, particularly in the College of Computing and Multimedia Studies and the College of Engineering,...

The Day After I Graduated

The Day After I Graduated

Sunlight brushed softly against my cheek. I opened my eyes, smiled, and finally exhaled—for the first time in four years, I woke up without the weight of deadlines pressing on my chest. I lay there for a while—staring at the ceiling, noticing cobwebs in the...

They Were Sweet

They Were Sweet

I think I saw it before anyone else did—the way he looked at her,with soft eyes and sweet smiles,like every moment with herwas a scene from a movie. It started small:a glance that lingered a second too long,an inside joke that made them both blush.Eventually, everyone...