Ginamit ng ilang miyembro ng College of Education (CEd) Jaguars ang kasanayang nakuha bilang varsity players upang itatak ang kanilang pangalan bilang hari sa Men’s Volleyball Tournament ng Intramurals 2023 sa University Covered Court, Okt. 28
Kitang-kita ang kasanayan ng mga manlalaro ng Jaguars na nagpakawala ng malalakas at kalkuladong palo sa naganap na championship game kontra College of Engineering (CEng) Tigers na natapos sa iskor na 25-20, 25-15.
Ayon kay Javien Murillo, Most Valuable Player (MVP) ng patimpalak, ginawa umanong oportunidad ng kanilang koponan ang mga pagsasanay bilang varsity players upang paghandaan ang kanilang mga kalaban.
“Dahil karamihan naman sa team namin ay nagte-training na para sa varsity, ginamit na rin namin yung time na ‘yon para makapag-training at para makapaghanda para sa intrams,” saad ni Murillo. “Nagtulong-tulong kami para makapag-plano kung paano kami lalaro sa loob ng court. Nagkaroon din kami ng last minute tune up games with other departments.Then, tiwala na lang sa isa’t isa sa bawat laro na ipapakita namin.”
Binigyang pansin din ni Murillo ang kanilang naging estratehiya na naging daan upang makamit nila ang inaasam na kampeonato sa patimpalak.
“Habang pinapanood namin [ang] ibang team habang sila ay naglalaro, binabasa din namin yung mga weaknesses nila sa loob ng court […] isa din yun sa nakatulong samen para makamit namin ‘yung panalo,” ani Murillo.
Kasama naman ni Murillo na tumanggap ng special award sina Jhomar Javier bilang Best Libero mula sa CCJC Cheetahs, Vincent Macanang bilang Best Attacker mula sa Jaguars, Angelo Rioflorido bilang Best Blocker, CJ Baretto bilang Best Setter mula sa CEng Tigers at Jerry Naisa bilang Best Server mula sa CAS Lynx.
Dahil sa kanilang pagkapanalo, naiuwi ng Jaguars Men’s Volleyball Team ang anim na gintong medalya, anim na pilak naman ang nakuha ng CEng Tigers bilang 2nd placer habang anim na tanso naman ang sa CCJC Cheetahs bilang mga 3rd placer.